Salamin
ISA si Mang Dado na inatasan ng simbahan na mag-impake ng mga groceries sa plastic bag para ipadala sa mga biktima ng baha. Nagmamadali nang araw na iyon ang lahat sa pag-iimpake dahil aalis na ang trak na magdadala ng relief goods. Sa pagmamadali, hindi namalayan ni Mang Dado na nalaglag ang kanyang eyeglasses.
Binalikan niya ng alaala ang nangyari kanina bago nawala ang eyeglasses niya: Ito ay hinubad niya at isinuksok sa front pocket ng kanyang polo dahil pinagpapawisan ang kanyang mukha. Siguro nang yumuko siya para lagyan ng mga de lata ang bawat plastic bag, ang kanyang salamin ay nalaglag at nag-shoot siguro sa isa sa mga plastic bags.
Kung sa sahig nalaglag, sana ay nakita niya iyon pagkatapos hakutin ang lahat ng relief goods. Buo ang paniwala ni Mang Dado na nadala ng trak ang kanyang eyeglasses.
Gusto niyang maiyak dahil binili pa iyon ng kanyang anak. Binawas sa kakarampot na suweldo mula sa pagiging clerk sa munisipyo isang buwan pa lang ang nakakaraan. Nawika tuloy niya sa sarili:
“Diyos ko, ginagawa ko ang lahat para makatulong sa aking kapwa pero bakit naman ang kaisa-isa kong salamin sa mata ay nawala pa? Paano ako papasok bukas sa construction site kung nanlalabo ang aking mata? Ito ba ang premyo ko sa mga ginagawa kong kabutihan?”
Nasabi niya sa pari ang problema tungkol sa nawawala niyang salamin sa mata. Habang nag-uusap ang dalawa, may napansin ang pari sa mata ni Mang Dado.
“Parang may namumuong dugo diyan sa mata mo?”
“Kahapon ko pa po nararamdaman ang sakit pero hindi ko pinapansin.”
Gumawa ng sulat ang pari at ibinigay kay Mang Dado.
“Pumunta ka sa kaibigan kong Opthalmologist. Nariyan ang address ng klinika niya. Ibigay mo ang sulat na ito para gamutin ka niya nang libre.”
Natuklasang may ugat na pumutok sa mata ni Mang Dado. Inoperahan kaagad ito dahil kung hindi, maaaring ikabulag niya ito. Sinagot ng pari ang lahat ng gastos. Nagsisisi si Mang Dado kung bakit hinusgahan kaagad niya ang Diyos. Ang pagkawala pala ng kanyang salamin ang magiging daan upang masolusyunan ang mas malalang problema ng kanyang mata.
“Blessings sometimes show up in unrecognizable disguises.”—Janette Oke
- Latest