Kahulugan ng ‘viral’ binago ng teknolohiya
NOONG mga naunang panahon na wala pang internet, social media, computer at cell phone, ang salitang Ingles na “viral” ay isang paglalarawan patungkol sa mga klase ng sakit o virus na nakahahawa o kumakalat. Wala itong direktang katumbas sa Filipino o Tagalog. Kalimitan maririnig iyan kapag nagpapatingin sa duktor na magsasabi kung viral o bacterial o hindi ang sakit ng pasyente.
Pero nagkakaroon ng ibang mga kahulugan ng “viral” sa pagsulong ng teknolohiya tulad ng sa computer, internet, smartphone at social media. Ngayon, puwedeng ibig sabihin ng “viral” ay ang virus na kumakalat sa computer o mga bagay na tulad ng litrato, video o mga pahayag o insidente na kumakalat sa social media. Nagiging tampok ito ng mga usapan at balita na nagpasalin-salin, ibinabahagi at nakikita, nababasa at napapanood ng daan-daang libo o milyong mga tao.
Isa ngang bagong halimbawa iyong ang kabataang lalaking residente ng San Juan City, Metro Manila na nag-“viral” at nabansagang “Boy Dila” dahil sa pambabasa niya sa isang motorcycle rider sa nagdaang Wattah Wattah festival sa naturang lunsod.
Napakaraming residente sa San Juan ang nambabasa ng tubig sa mga taong lulan ng mga sasakyang dumaraan sa mga kalsada pero siya ang napansin, napagdiskitahan at naging kontrobersiyal dahil marahil nalitratuhan siya nang malapitan habang wina-water gun ang kanyang “biktima”. Naging tampulan siya ng mga biro, katatawanan, kantiyaw, batikos, at panlalait at napapaglaruan sa social media ang kanyang litrato.
Nakapagpaalala rito ang isang dating pulis na nakunan ng video habang nagkakasa ng baril sa harap ng taong nakaaway niya sa kalsada dahil sa gitgitan sa sasakyan ilang buwan na ang nakararaan. Naging viral at meme sa Facebook, YouTube at ibang social media ang kanyang litrato habang may hawak na baril. Marami nang insidente ng tinatawag na road rage at ibang krimen ang nagiging viral kapag nakukunan ng cell phone camera o CCTV.
Hindi naman sa mga negatibong insidente o krimen lang ito nangyayari. Nagiging viral din ang mga tao na nakakagawa ng kabutihan, kakaibang tulong sa kapwa, iyong nagsisikap, nagiging matagumpay sa buhay, nangangailangan ng tulong o mga insidente, pangyayari o okasyon na nagiging kapaki-pakinabang at maganda o kahanga-hanga sa paningin ng publiko.
Marami pang ibang bagay na nagiging viral sa internet lalo na sa social media, nakalulungkot man, nakakainis, nakakatuwa o nakakatawa. Nasasangkot sino man tulad ng mga artista, kilalang personalidad, pulitiko, opisyal o tauhan ng gobyerno, mahirap o mayaman, bata o matanda at kahit pribadong tao. Walang sinasanto. Kahit ang mga hindi kilala ay nakikilala gustuhin man nila o hindi.
Isang realidad sa kasalukuyang lipunan natin na parang ang bawat galaw o kilos ng mga tao ay nababantayan dahil kahit konting pagkakamali lang ay maaaring kumalat na sa social media. Nagpapatindi sa pagiging viral ng isang tao, bagay o insidente kapag nakukunan ito ng litrato at video na nagsisilbing ebidensiya at mahirap itanggi.
Katuwang ng social media sa pagiging viral ng sino man o anumang pangyayari ang cell phone camera o CCTV bagaman madalas ang una dahil sino man ay maaaring magmay-ari nito at milyun-milyong tao ang merong sariling cellphone anuman ang katayuan nila sa buhay. Meron namang mga krimen o problemang nalulutas kapag nagiging viral sa internet.
Depende siguro sa mga sitwasyon at sangkot na mga tao kung nakakabuti o nakakasama ang maging ‘viral’ sa social media o sa internet sa pangkalahatan. Nakakasira ba ito sa pribadong buhay, karangalan o reputasyon ng isang tao? Nakakasagka ba ito sa kalayaang gumalaw at magsalita kahit saan at kahit kailan? O nagtuturo ba ito ng disiplina?
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















