^

Punto Mo

Ipagbawal ang cell phone sa klase

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA pinakahuling ulat ng Program for International Student Assessment (PISA) noong 2022, ang mga estudyanteng Pilipino na edad kinse ang pinakamahina sa mathematics, science at reading comprehension, kumpara sa iba pang mga estudyante sa Asya.

Mahalagang maganda ang pundasyon ng isang estudyante sa tatlong asignaturang ito, sapagkat ito ang magiging susi sa kanyang matagumpay na buhay sa loob at labas man ng eskwelahan. Bakit nakakadismaya ang performance ng ating mga estudyante?

Maraming itinuturong dahilan, ngunit ang isa’y ang sobrang paggamit ng cell phone sa loob mismo ng eskwelahan. Noong dalawang taon ng pandemya, nahirati ang mga estudyante sa pagamit ng cell phone dahil ipinagbawal ang pagpasok sa mga silid-aralan, at sa halip ay ginawang online na lamang ang pag-aaral. Mula noon ay hindi na naawat ang mga estudyante sa paggamit ng cell phone maging sa panahon ng klase sa loob ng eskuwelahan.

Ayon sa ginawang assessment ng PISA, walo sa bawat sampung mag-aaral ay naiistorbo ng paggamit mismo nila ng cell phone o paggamit ng kanilang kaklase. Bunga nito, naitala ang mga sumusunod na puntos ng pagbaba sa performance: 9.3 points sa mathematics; 12.2 points sa science; at 15.04 points sa reading comprehension.

Wala na sigurong estudyanteng Pilipino ang hindi gumagamit ng cell phone. Batay sa ulat, 70 milyong Pilipino ang may cell phone. Ayon sa Electronics Hub, isang electronics information website, 32.53% ng isang araw ng bawat Pilipino ay ginugugol sa paggamit ng cell phone. Pinakamataas ito sa buong Asya at isa sa pinakamataas sa buong mundo. Kung hindi natitigil sa paggamit ng cell phone sa loob ng klase, lalo naman sa loob ng bahay. Sa halip na libro, cell phone ang hawak-hawak hanggang sa pagtulog. Kung ang matagalang paggamit ng cell phone ay nakakatalino, ang mga Pilipino na siguro ang pinakamatalinong estudyante sa buong mundo.

Dahil sa masamang epekto ng paggamit ng cell phone sa loob ng eskwelahan, naghain ng panukalang-batas si Senator Sherwin Gatchalian na ipagbawal ang paggamit ng cell phone at iba pang electronic gadget sa loob ng klase, maliban na lamang kung ito’y gamit sa isang aktibidad, pangkalusugan o pang-emergency, o kapag may field trip sa labas ng eskwelahan. Dapat ay maging batas ang panukalang ito sa lalong madaling panahon para sa kapakanan ng mga kabataang Pilipino. Ang paggamit din ng cell phone sa loob ng eskwelahan ang sinasabing nagpalala sa bullying. Konting bawas sa kalayaan, ngunit maraming dagdag sa karunungan.

Sa eskwelahan ay maaaring makapagpatupad ng batas na kokontrol sa paggamit ng cell phone, pero paano sa loob ng tahanan? Sa tahanan, ang mambabatas at tagapagpatupad ng batas ay ang mga magulang.  Kailangan ding gumawa ang mga magulang ng batas, at mahigpit na ipatupad ang naturang batas, upang makontrol ang paggamit ng cell phone.

Ang isa sa itinuturong dahilan ng paghina ng kaugnayang pampamilya ay ang kawalan ng panahong mag-usap-usap at masayang magkwentuhan. Sa halip na nag-uusap-usap, bawat isa’y busy sa paggamit ng cell phone at iba pang electronic gadget. Lubhang napakahalaga ng pagkukwentuhan sa pagtibay ng kaugnayan sa loob ng pamilya, na inagaw ng cell phone at iba pang gadget. Kapag naisagawa ang hakbang na ito ng eskwelahan at ng pamilya, makalilikha tayo ng mga kabataang higit na matalino at mapagmahal sa pamilya.

vuukle comment

CELLPHONE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with