Climate change: Chocolate, kape, alak atbp, maglalaho?
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng 11,258 scientist sa 153 bansa at nalathala sa journal na Bioscience, maraming bagay, hayop o pagkain sa mundo ang maglalaho pagdating ng 2050 dahil sa climate change. Malinaw anilang nahaharap ang daigdig sa isang climate emergency kaya kailangan ang mga pagbabago para mapabagal kundi man mapabaligtad ang epekto ng climate change.
Halimbawa ang tsokolate. Unti-unting maglalaho ang tsokolate dahil sa mas umiinit na temperatura, mas tuyong klima at fungal disease. Pagdating ng 2050, ang mga pananim na pinagkukunan ng tsokolate ay paakyat nang paakyat sa mas matataas at mabubundok na lugar.
Pitumpong porsiyento ng cocoa beans sa mundo ay nagmumula sa mga pananim sa West Africa. Kapag nagtuluy-tuloy pa rin ang pagtaas ng temperatura ng Daigdig, maaaring hindi na matamnan ang mga farmland sa West Africa pagdating ng 2100.
Darating ang panahon na magiging bahagi na lang ng alaala ang kape na malamang ding maglaho pagdating ng 2050. Daranas ng mas matitinding tagtuyot o pag-ulan ang mga rehiyong tinataniman ng kape tulad sa ilang bahagi ng North America, South America, Africa, Asia, at Australia dahil sa climate change. Sa Climate change, dumaragsa ang mga insekto at mga peste sa mga halaman ng kape tulad ng tinatawag na coffee rust infestations.
Dahil din sa climate change, lalong kumakalat ang mga sakit na pumipinsala sa mga taniman ng saging. Kung hindi man ganap na maglaho ang saging sa mundo, magiging mas napakamahal naman ang presyo nito. Banta sa produksyon ng saging ang global warming, pagbaha at tagtuyot. Tulad ng saging, bantang maglaho ang mga abokado, patatas, mansanas, chili pepper at luya.
Kasama ang peanut butter na maglalaho. Pihikang pananim ang peanut. Kailangan nito ang 20 hanggang 40 inches na ulan para managana. Kung merong tagtuyot, manunuyo rin ang tanim na peanut at, kung sobra naman ang tag-ulan, tutubuan naman ng toxic mold ang peanut.
Nagbabala ang mga researcher na maglalaho dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura ng mundo ang mga bubuyog na nakakatulong sa pollination ng maraming napagkukunan ng pagkain. Kung mawawala ang mga bubuyog, mawawala rin ang honey.
Kasama ring maglalaho dahil sa climate change ang mga pawikan, elepante, tigre, igat, polar bears, korales, lobster at salmon.
Dahil din sa climate change, apektado ang produksyon ng bigas. Kakapusin ang mga lupain at mapagkukunan ng tubig dahil sa tumataas na temperature, tumataas na level ng karagatan at pagbabago ng mga tag-ulan dahil sa global climate change na nagpapabawas sa ani at produksyon ng bigas.
Nanganganib din ang mga beer, wine, gin, punch at whiskey dulot ng climate change. Nagkakaproblema sa pagtatanim at pagpapalago ng mga grapes para sa wine, hops para sa beer, spices para sa gin, cranberries para sa punch at grains para sa whiskey.
Ang tumataas na temperatura ng mundo ay nakakaapekto sa produksyon ng mga sangkap ng beer tulad ng hops at barley. Ganito rin ang kaso ng mga wines. Nagpapahirap sa mga taniman ng mga sangkap ng mga ganitong inumin ang heat waves, baha, tagtuyot at matitinding klima. Isa rin itong dahilan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga alak.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest