99-anyos na lolo sa Japan, tinaguriang pinakamatandang dentista sa mundo!
ISANG dentista sa Yamanashi Prefecture sa Japan ang patuloy sa paglilingkod sa kanyang mga pasyente kahit ito ay 99-anyos na!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Etsuro Watanabe ang “World’s Oldest Dentist” sa edad na 99.
Ipinanganak si Etsuro noong October 31, 1924 sa Oshino Village sa Yamanashi Prefecture. Lumipat siya sa Tokyo sa edad na 15 para maging apprentice sa isang dental clinic habang nag-aaral ng high school sa gabi.
Pagsapit ng World War II, naging combat medic siya sa China at pagkatapos ng giyera ay nagtrabaho siya bilang dental technician. Pumasok siya sa dental college noong 1947 at nang makapasa sa national dentist exam noong 1953, bumalik na siya sa Oshino para magtayo ng sariling dental clinic.
Dahil si Etsuro lang dentista noon sa kanilang lugar, hindi siya nahirapang makahanap ng mga pasyente. Wala pang dental laboratory at technician sa kanila noon kaya siya ang gumagawa ng lahat ng pustiso ng mga taga-Oshino.
Simula nang buksan niya ang kanyang clinic, nagtatrabaho siya mula Lunes hanggang Biyernes mula umaga hanggang gabi. Nang sumapit lamang siya ng 92-anyos saka lamang niya ginawang tuwing umaga ang kanyang clinic hours.
Si Etsuro ay may limang anak na babae, walong apo at apat na apo sa tuhod. Sa kasalukuyan, wala pa siyang balak tumigil sa pagdedentista hangga’t may mga pasyente na dumarating sa kanyang clinic.
- Latest