^

Punto Mo

Griefbots: Nabuhay na muli ang patay!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ISANG lumalaganap na klase ng teknolohiya ngayon ay ang tinatawag na Griefbots. Isang uri ito ng computer program na ginagamitan ng artificial intelligence at ginagaya ang itsura, pananalita, galaw at kilos, paniniwala, pagkatao at iba pang bagay na merong kaugnayan sa mga patay. Halos katulad din ito ng ibang mga chatbot na karaniwang kasama sa maraming website sa internet na sumasagot sa mga tanong ng sinumang naghahanap ng kinakailangang impormasyon.

Target na kliyente ng mga kumpanyang gumagawa at nagpapakalat sa internet ng ganitong computer program ang mga tao na patuloy pang nagluluksa at hindi pa maka-“move on” sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay na maaaring asawa nila, magulang, anak, kapatid, nobya, kamag-anak, matalik na kaibigan, kaeskuwela, kasama sa trabaho o ibang tao na naging lubhang malapit sa kanilang puso o nagkaroon ng mahalagang kaugnayan sa kanilang buhay o iyong mga tao na kanilang iniidolo at hinahangaan.

Sa pamamagitan ng Griefbots, makakausap mo sa harap ng computer ang taong matagal nang patay o kailan lang namatay o kamamatay lang. Para siyang buhay kapag nakikipag-usap ka rito. Nagsasalita siya na ang boses ay tulad ng sa namatay noong nabubuhay pa ito.

Parang isang makabagong klase ng pagluluksa at pagdadalamhati ang Griefbots. Karaniwan sa mga tao na, kapag nalulungkot at naaalala ang pumanaw nang mahal nila sa buhay, binabalikan at tinitignan o hinahawakan nila ang anumang bagay na merong kaugnayan sa kanya tulad ng mga litrato, video, o pagsusulat, pagbibigay pugay o parangal o pagtatalumpati tungkol sa namatay at iba pa bukod sa pagdalaw sa puntod ng mga ito.

Sa Griefbots, makikita ang aktuwal niyang mukha, maririnig siyang nagsasalita, at makakausap. Sumasagot na ang boses ay katulad ng boses noong buhay pa.  Pero, siyempre, mangyayari ito kung  lahat ng mga kinakailangang datos at impormasyon hinggil sa patay ay maibibigay sa ganitong computer program.

Wala pang malinaw na datos kung saan-saang bansa na kumakalat ang Griefbots bagaman sinasabing nauuso ito sa China at merong gumawa sa Korea at Canada pero, dahil malawak ang nararating ng internet, hindi naman katakataka kung meron nang gumagamit ng ganitong computer program o A.I. dito sa Pilipinas.

Marami rin kasing isyu at kontrobersiya sa Griefbots. Walang linaw kung talagang nakakatulong ito sa mga tao sa kanilang pagluluksa at pagdadalamhati sa pagpanaw ng isa nilang mahal sa buhay. Maaaring nakakabawas ng kalungkutan pero hanggang kailan?

Baka sa halip na maka-“move on” ang isang namatayan ay makulong ang buhay niya sa mga alaala ng isang patay. Hindi ba kailangan ng permiso ng isang tao na magamit ang kanyang boses, litrato, video, at iba pang bagay na merong kinalaman sa kanyang buhay kapag namatay na siya?  Nariyan din ang panganib na magamit sa panloloko at pagnanakaw ang mga impormasyon at ibang mga datos, litrato o video at iba pang may kaugnayan sa patay na naiimbak sa mga Griefbots lalo  na kung magagalaw ito ng mga scammer at hacker na nagkalat sa internet.

Maaaring isang mainam na alternatibo ang Griefbots para sa mga taong lubhang apektado sa pagkamatay ng taong mahal nila sa buhay na hindi madaling matanggap. Meron sa kanila na araw-araw na lang o gabi-gabi umiiyak, nagkukulong sa kuwarto, nawawala sa sarili, laging galit at mainitin ang ulo o nagiging marahas, naglalasing o nalululong sa droga, madalas magkaroon ng nervous breakdown, nawawalan ng ganang mabuhay, napapabayaan ang sarili,  trabaho o pag-aaral, o madalas mapag-isa.

Baka nga makatulong ang Griefbots para malampasan nila ang nararanasan nilang matinding kalungkutan at tuluyan nilang matanggap ang pagkamatay ng mahal nila sa buhay. Pero hanggang kailan? Hangga’t nakaharap ka sa computer?

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

PATAY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with