Crackdown vs ilegal na gumagamit ng wang-wang, blinkers bakit ngayon lang!
MAGSASAGAWA raw ng crackdown ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga motorista na patuloy na gumagamit ng blinkers at sirena o mas kilala sa tawag na ‘wang-wang’.
Talaga nga naman, kung hindi pa nag-utos si Pangulong Bongbong Marcos na habulin ang mga ilegal na gumagamit ng mga ito, eh baka tuluyan pa itong mamayagpag sa mga lansangan.
Kung tutuusin matagal na ang batas ukol dito o ang Presidential Decree (PD) 96, na ito ay ang paggamit ng wang-wang at blinkers sa mga private vehicles.
Napabayaan sa mahabang panahon, hindi tinutukan kaya marami ang namayagpag at nagsamantala.
Ngayong nag-utos ang Pangulo tungkol dito, saka ilulunsad ang crackdown.
Kabilang sa mga awtorisado na gumamit ng gadgets o devices ay ang mga motor vehicles na opisyal na ginagamit ng AFP, PNP, NBI, Fire Departments at hospital ambulances at maging sa emergency cases.
Sa Administrative Order No.18 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi ni Pangulong Marcos na ang hindi awtorisado at pagkalat ng mga wang-wang at iba pang devices ay nagdudulot ng pagkaantala ng trapiko at hindi ligtas na mga kalsada at kapaligiran.
Ang mga gumagamit nito na hindi naman awtorisado akala mo kung sino, papansin sa lansangan, walang kaabug-abog kapag nahinto ng konti, wang-wang agad at sasabayan pa ng blinkers.
Nakakataranta sa daan, minsan nga may kasama pang ‘hawi boys’ ang mga iyan. Patitigilin o di kaya ay patatabihin ang nakauna sa kanilang motorista para sila ang mabigyan ng daan.
Mapapa-sana all ka na lang.
Kasi naman ang dali-dali yatang makabili ng ganitong devices, kahit saan may nagbebenta na dapat ding ma-regulate ng pamahalaan.
Parang ang luwag ng bentahan nito.
Hindi nakakapagtaka na baka dumating ang araw hindi na uso ang busina kahit sa mga pampublikong sasakyan, kundi wang-wang na lang at blinkers.
Kapag ganyan, labulabo na siguradong maririndi ka naman sa ingay sa lansangan.
Dapat talagang masampolan ang mga pasaway na gumagamit nito, dapat walang sisinuhin.
Sa huli sana hindi lang ngayon na sariwa pa ang kautusan ng Pangulo maisagawa ang crackdown, sana tuluy-tuloy ang kampanya para tuluyang mawalis ang ganitong mga pasaway sa lansangan.
- Latest