Resorts sa mga protected area, dapat may managot
Ayan na nga, sinimulan na ng Senado partikular ng Committee on Environment, Natural Resources at Climate Change ang imbestigasyon sa pagtatayo ng resort sa loob ng protektadong Chocolate Hills sa Bohol at sa Mount Apo sa Davao. Hindi nga ba't, nabunyag ang pagtatayo ng Captain's Peak resort sa Chocolate Hills. Biruin nga naman ang Chocolate Hills ay isa sa pangunahing atraksyon sa bansa na kinikilala sa buong mundo dahil sa kahanga-hangang geological formation. Kabilang ito sa eight wonders of the world. Isa ito sa itinuturing protected area na hindi pwedeng gamitin sa komersiyo. Kaya laking ulat ng marami nang matuklasan na sa pagitan ng hills ng mga ito ay may naitayong resort. Ngayon nga nais ng Senado na malaman kung paanong nangyari ito. Sino ang nagpahintulot na maitayo ang naturang resort. Mistula naman ngayong may turuan sa panig ng DENR na dapat sana ay sila ang magbantay sa ganitong mga protected area sa bansa. Hindi lang yan, maging sa Mount Apo sa Davao, na isa ring protected area ay may nakalusot ding nagtayo ng resort. Talagang dapat na may managot kung sino ang nagpahintulot sa mga konstruksyon na ito. Dapat lang na maagapan dahil baka sa paglipas ng panahon eh doon makikita ang pagkasira ng mga naturang lugar.
- Latest