Piloto, nagpaanak ng pasahero habang nasa kalagitnaan ng biyahe!
HINANGAAN ang isang Thai na piloto sa social media nang tulungan nitong manganak ang isang pasahero habang nasa kalagitnaan ng kanilang flight!
Nasa kalagitnaan ng kanyang flight mula Taipei, Taiwan papuntang Bangkok, Thailand ang pilotong si Jakarin Sararnrakskul nang sabihan siyang isa sa mga cabin crew na may emergency on board.
Ayon sa cabin crew, may natagpuan itong pasahero sa CR na manganganak na. Agad umalis sa cockpit si Jakarin at iniwan muna ang kanyang co-pilot para puntahan ang emergency. Nang makita nito ang kalagayan ng pasahero, nagpasya siya na paanakin na ito dahil wala ng oras para bumalik sa Taipei airport o mag-emergency landing sa pinakamalapit na airport.
Ito ang unang pagkakataon ni Jakarin na makaranas ng ganitong klase ng emergency sa 18 years niya bilang piloto. Hindi na dinetalye kung paano niya napaanak ang pasahero pero ligtas niyang natulungang iluwal ang isang baby boy. Habang nasa flight, tinawag nilang “Sky baby” ang bagong panganak na sanggol. Paglapag sa Suvarnabhumi International Airport, nirespondehan ng mga naka-standby na medic ang pasahero at ang baby nito. Agad silang dinala sa isang ospital sa Bangkok.
Pinost ni Jakarin sa kanyang social media accounts ang kanyang litrato kasama ang baby. Ayon dito, sobra siyang proud sa kanyang sarili dahil kinaya niyang magpaanak kahit unang pagkakataon pa lang niya itong nagawa.
- Latest