^

Punto Mo

Social media, magtatagal pa o habambuhay na?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ILAN na ang mga nagtataya na maglalaho at mamamatay din ang social media pero tila lubhang magtatagal pa bago ito mangyari kung mangyayari nga o baka hindi na ito mangyari. Puwede pa siguro kung merong susulpot na bagong teknolohiya na hihigit pa sa mga katangian at kabuluhan  ng social media.

Kaso, habang tumatagal, laging may mga pagbabago at pag-unlad sa social media na nagpapadagdag sa kabuluhan nito sa buhay ng maraming tao tulad sa mga personal na relasyon, komunikasyon, balitaan, impormasyon, pananaliksik, libangan, aliwan, negosyo, trabaho, edukasyon, serbisyo publiko, mga panlipunang simulain,  kabuhayan,  pulitika, kultura, relihiyon, kawanggawa, pagpapatupad ng batas, paglutas o pagsugpo ng krimen, at iba pa. Isa sa mga nagpatindi sa kasikatan ng social media ang pagsulpot ng mga smartphone, tablet at ibang makabagong gadget.

Sa kasalukuyan, lalo pang dumarami ang mga gumagamit ng social media na naging bahagi na ng halos lahat ng aspeto ng buhay ng tao. Kung dumarami, ibig bang sabihin, lalo pa itong magtatagal hangga’t nananatiling merong silbi at kabuluhan? Nagpapatuloy ang takbo ng social media kahit nababatikos sa mga negatibong aspeto nito tulad sa usapin ng fake news.

Napabalita nga nitong nagdaang buwan na umaabot na sa mahigit limang bilyong tao ang aktibong gumagamit ng social media. Tumaas ang bilang nito nang 5.6 porsiyento ng nakaraang taon na nahigitan ang 0.9 porsiyentong pagtaas ng populasyon ng mundo, ayon sa report ng media monitoring company na Meltwater at social media agency na We are Social.  Mahigit 60 porsiyento ng mga tao sa mundo ang gumagamit ng social media.

Umaabot na sa mahigit walong bilyon o 8,118,835,999 ang bilang ng mga tao sa buong Daigdig pero nagpaalala ang report na mahirap matukoy ang eksaktong bilang ng gumagamit ng social media dahil sa mga automated account o mga tao na gumagamit ng iba’t-ibang identidad. Ibinatay ang report sa mga datos na tinipon ng digital consultancy company na Kepios, ayon sa AFP.

Nangunguna sa social media ang Facebook ng Meta na merong 2.19 bilyong users. Sumunod ang Instagram,  1.65 bilyon; at TikTok, 1.56 bilyon. Hindi binanggit sa naturang report pero, ayon naman sa Global Media Insight, merong 2.70 bilyong katao sa buong mundo na gumagamit sa isa pang social media platform na YouTube kada buwan batay sa pananaliksik ng GMI Team bagaman binabanggit sa website ng YouTube na meron itong 39.5 milyong subscriber.

Dito sa Pilipinas, umaabot sa 86.75 milyon ang mga gumagamit ng social media hanggang noong Enero 2024, batay sa report ng DataPortal. 73.4 porsiyento ito ng populasyon na mahigit 110 milyon.

Nagsimulang magkaroon ng social media noong dekada 90 ng nakaraang siglo. Itinuturing na unang social media ang SixDegrees. Noong mga taong 2000 lumitaw ang mga tulad ng Friendster, Myspace, Facebook, YouTube at Twitter na tinatawag na ngayong X.  May pananaliksik na nagsasaad na ang mundo ay gumugugol ng 22 porsiyento ng oras nito sa social media.

Nakapagtataka lang kung bakit kailangang tayain kung merong katapusan o wala ang social media. Sa larangan ng teknolohiya, totoong may mga bagay na naluluma at nalalaos at merong sumusulpot na bago at mauuso sa katagalan ng panahon. Mahirap din namang tayahin ang mangyayari sa hinaharap pero, siguro, hangga’t merong kabuluhan at silbi sa sino man at sa buong lipunan at mundo ang social media, hindi ito basta-basta maglalaho lalo na kung patuloy itong nagbabago at umuunlad.

 

Email: [email protected]

vuukle comment

SOCIAL MEDIA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with