Nagsimula sa murang paninda
ANG IKEA ay tindahan ng furniture at iba pang gamit sa bahay. Ang tindahang ito ay maraming branches sa buong mundo. Ang may-ari ng tindahang ito ay si Ingvar Kamprad. Siya ay ipinanganak sa Sweden. Ang IKEA ay initial ng kanyang pangalan at lugar kung saan siya isinilang. Ang I at K ay mula sa Ingvar Kamprad samantalang ang E ay mula sa Elntaryd, pangalan ng kanilang farm; A ay Agunnaryd, pangalan ng village kung saan matatagpuan ang Elntaryd farm.
Noong bata pa si Ingvar, nagtitinda siya ng posporo, isda, Christmas card sa kanyang mga kapitbahay gamit ang kanyang bisikleta. Natuklasan niya na mura ang mga nabanggit na items kung bibilhin nang maramihan sa Stockholm. Bumili siya ng marami at pagkatapos ay binalot niya ito ng maliliit (tingi-tingi) na package para mura niyang maibenta sa mga kapitbahay. Natuklasan niyang kahit mura niyang ipinagbibili ang mga ito ay maganda pa rin ang kanyang kinita. Dito marahil kinuha niya ang ideyang murang bilihin sa IKEA.
Noong siya’y 17-anyos, binigyan siya ng kanyang ama ng pera bilang premyo sa pagiging mahusay na estudyante. Ang perang iyon ang ginamit niya para makapagsimula ng isang maliit na negosyo, ang IKEA. Naging policy na sa IKEA na kapag gagamit ng papel ay kailangang sulatan ang magkabilang sides para makatipid. Mayaman na si Ingvar pero ang gamit niyang kotse ay isang 15-year old Volvo.
Pinauso ng IKEA ang pagbebenta ng Christmas gift pagkatapos ng Christmas. Imumungkahi nila sa mamimili na itago nila ito para panregalo sa susunod na Christmas. Tinuturuan nilang maging matipid ang mamimili dahil mura ang mga bilihin sa IKEA pagkatapos ng Christmas. Ang pagiging matipid ni Ingvar ay iniaplay sa IKEA: mura ngunit magagandang furniture at gamit sa bahay. Nagsimula ang lahat sa murang posporo, isda at Christmas card, sinundan ng murang furnitures at nagtapos sa pagiging bilyonaryo.
- Latest