Ang totoong prayer rally
KAMAKAILAN, nanguna si dating Presidente Rodrigo Duterte sa isang payer rally na ginanap sa Davao City upang tutulan ang pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng isinusulong na People’s Initiative o PI. Pero kakaibang PI ang nangyari. Narinig natin uli ang pagp-PI ni Duterte, at ang puntirya ay si Presidente BBM. Minura ni Duterte si BBM at sinabihang isang addict.
Bukas, Pebrero 25, na sa ating kasaysayan ay araw ng pagtatagumpay ng EDSA People’s Power Revolution kung saan napatalsik sa tungkulin ang ama ni BBM bilang Presidente ng Pilipinas, laman ng mga balita na muling pangungunahan ni Duterte ang isa pang prayer rally na gaganapin naman sa Cebu City. Si Duterte na minsang minura ang Papa at sinabing estupido ang Diyos ay nangunguna ngayon sa mga prayer rallies. Na-born again na ba siya at naniniwala na sa kapangyarihan ng panalangin?
Ang totoo, hindi naman ito prayer rally. Ito’y pagtitipong nagsusulong ng isang layuning pulitikal—ang tutulan ang tangkang pagbabago sa Konstitusyon na isinulong din naman ni Duterte noong panahon ng kanyang panununkulan. Malayung-malayo ito sa tunay na prayer rally na tumutuntong sa kapangyarihan ng panalangin upang baguhin ang mahirap na sitwasyon. Isang halimbawa nito’y ang matagumpay na EDSA People’s Power Revolution noong Pebrero 25, 1986 na itinuturing ng marami na isang malakihang prayer rally na lumupig sa bangis ng mga baril at tangke ng mga sundalo.
Sana ang mga pagtitipong pulitikal na nagsusulong ng mga layuning pulitikal o ideolohikal ay huwag nang tawaging prayer rally. Tawagin na ang mga ito kung ano talaga ang mga ito. Huwag nang magtago sa palda ng panalangin. Ang panalangin ay isang sagradong bagay. Ito’y isang banal na pakikipag-usap sa Diyos para iparating sa Kanya ang anumang ipinagpapasalamat o hinihiling. Sa panalangin ay hindi lamang ang taong nananalangin ang nagsasalita. Hinihintay din ng nananalangin ang pagsasalita ng Diyos. Wika ng bantog na mangangaral na si Charles Spurgeon, “Ang tunay na panalangin ay hindi isang ehersisyo ng isip o pagtatanghal ng boses. Napakalalim nito, sapagkat ito’y isang pakikipagtransaksyong espiritwal sa Manlilikha ng langit at lupa.”
Madalas gamitin ng mga pulitiko ang panalangin upang makuha ang tiwala ng publiko. Kaya hindi na bago ang ginagawa ni Duterte, lumang tugtugin na ito. Gayunman, hindi lamang ang mga pulitiko ang gumagamit sa panalangin para isulong ang mga personal na agenda. Marami ang itinatago ang kalokohan sa kabanalan ng panalangin.
Guilty rin tayo. Idinadalangin natin ang pagpapatawad, pero tayo mismo’y hindi makapagpatawad. Idinadalangin natin ang paghahari ng katotohanan, pero paminsan-minsan tayo’y nagsisinungaling. Idinadalangin natin ang pag-iral ng katapatan, pero may pagkakataon na tayo mismo’y nasasangkot sa maliliit na katiwalian.
Ang kailangan natin ay tunay na panalangin na ang kinakausap ay ang Diyos at hindi nagpapakitang-gilas lamang sa publiko. Sa dami ng ating pambansang problema ay kailangan nating manalangin nang mataimtim upang hanguin tayo ng Diyos sa balong malalim na ating kinahulugan. Alalhanin natin ang sinabi sa 2 Cronica 7:14, “Ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganahin ang kanilang lupain.”
- Latest