Katwiran ng pasaway: ‘Tapat ko, akin to!’
SA isinagawang clearing operation kamakailan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nagkaroon ng tensyon nang pumalag ang ilang may-ari ng mga sasakyan na-tow dahil sa illegal parking.
Hindi nga malaman kung bakit sa kabila na alam nilang ilegal ang kanilang pag-park sa lansangan, eh sila pa ang matatapang.
Yan naman ang hirap sa ilan, na sa matagal nang panahon ang kalsada ang ginagawang parkingan.
Hindi nga ba’t madalas na nating mabanggit sa kolum na ito na maraming mga kalsada ang inari na ng iba.
Katwiran ng mga mokong ‘ tapat ko, akin to’.
Yung tipong naglalagay pa talaga ng reserve sa tapat ng kanyang bahay para paradahan ng kanyang sasakyan.
Dapat nga hindi lang sa Mabuhay lanes tumutok ang MMDA at mga awtoridad, dapat maging sa ilang secondary road na talagang wala nang madaanan ang mga motorista maging ang mga pedestrian dahil pila-pila na ang naka-park.
Ang mga opisyal sa barangay ang nakakaalam nito, na dapat eh hindi kunsintihin.
Pero ang siste mukhang may basbas sa barangay.
Ang barangay din naman ang sinasabing siyang promotor sa pinapayagang ‘one side parking’ na talagang nagpapasikip sa daan.
Hindi naman ginawa yan para paradahan ng mga sasakyan kundi daanan.
Sana masilip ito ng mga kinauukulan.
Kaya pinipilit pa nga ng barangay na bago magsagawa ng clearing sa kanilang lugar kailangang makipag-coordinate sa kanila.
Pero ang nangyayari kapag nakipag-ugnayan sa kanila, tinitimbre naman sa kanilang mga nasasakupan kung saan pansamantalang aalisin ang kanilang sasakyan at pagkatapos ng clearing babalik na naman.
Mistulang naglolokohan na lang.
Hindi mawawasto ang lansangan kapag may ganitong mga opisyal na kumukunsinti sa mga pasaway.
- Latest