Bata sa U.K., namatay matapos lumunok ng 10 pirasong magnet!
Isang walong taong gulang na bata sa North Yorkshire, England ang namatay dahil sa nalunok nitong mga magnet. Diumano, ginawa ito ng bata para dumami ang followers niya sa social media!
Namatay si Rhys Millum dahil sa perforated small intestines na sanhi ng 10 pirasong silver round magnets na may sukat na 3mm bawat isa. Nagkadikit-dikit ang mga magnet sa loob ng sikmura ng bata at naging dahilan para bumara at bumutas ito sa kanyang bituka.
Walang kaalam-alam ang pamilya ni Rhys na may nalunok itong mga magnet. Ayon sa ina nito, dumaing ito isang araw na masakit ang tiyan. Nang dinala sa ospital ang bata, sumailalim ito sa tatlong physical exams.
Nang walang nakitang mali ang mga doktor sa kondisyon ni Rhys ay hindi na ito pina-confine at pinauwi din agad sa bahay.
Ilang oras matapos makauwi, nagsabi si Rhys na hindi ito makakita at pagkatapos ay nawalan na ito ng malay. Habang nasa ambulansya ang bata ay hindi na ito na-revive ng mga EMT.
Saka lamang natuklasan ang mga magnet matapos sumailalim sa autopsy ang katawan ni Rhys. Sa panayam sa mga magulang nito, may hinala sila na nalunok ni Rhys ang mga magnet matapos gayahin ang napanood sa Tiktok kung saan ginagawang fake na hikaw sa dila ang mga magnet.
Dagdag pa ng kapatid nito, may pangarap si Rhys na dumami ang kanyang social media followers sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang challenges at dare sa TikTok.
- Latest