Hindi nagbibigay ng bonus, maari bang ireklamo?
Dear Attorney,
Kahit kailan po ay hindi nagbibigay ng bonus ang kompanya namin. Maari bang magreklamo kaming mga empleyado? —Karen
Dear Karen,
Ang pagbibigay ng bonus ay kabilang sa mga tinatawag na management prerogative o yung mga aspeto ng negosyo kung saan hinahayaan ng batas na malayang makakapagpasya ang employer upang masigurado nito ang kapakanan ng kanyang negosyo.
Dahil isang management prerogative ang pagbibigay ng bonus, hindi ito obligasyon ng employer puwera na lamang kung (1) bahagi ang pagbibigay ng bonus ng isang kasunduan sa pagitan ng mga empleyado at ng kompanya katulad ng employment contract o collective bargaining agreement; (2) matagal nang practice o nakaugalian ang pagbibigay ng bonus; at (3) maituturing na bahagi ng sahod ng empleyado ang bonus.
Kung hindi angkop ang mga nabanggit sa sitwasyon mo ay malabong may habol kayo laban sa iyong employer. Hindi dapat ituring na obligasyon ng employer ang pagbibigay ng bonus.
Kailangan ko lang din linawin na ang “bonus” ay iba sa 13th month pay na itinakda ng batas. Kung ang tinutukoy mo na hindi ibinibigay ng inyong employer ay ang inyong 13th month pay, maari kayong magreklamo dahil obligasyon ‘yang ibigay sa inyo ng inyong employer bago matapos ang taon.
- Latest