EDITORYAL - Hustisya sa mga nabiktima nina Senyor Agila
DINAKIP noong Martes ang lider ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) na si Jey Rence Quilario aka Senyor Agila at mga miyembro nito na sina Mamerto Galanida, Janeth Ajoc at Karen Sanico. Inaresto sila matapos dumalo sa hearing ng Senado kaugnay sa mga reklamo sa SBSI. Siyam pang miyembro ng SBSI ang dinakip naman sa Socorro, Surigao del Norte.
Siyam na kaso ng qualified trafficking in person at walong kaso ng child abuse ang isinampa laban kina Quilario. Sinampahan din sila ng kaso kaugnay sa puwersahang pagpapakasal sa mga menor-de-edad, child labor, sexual abuse at puwersahang pagti-training sa sariling hukbo.
Ang mga pang-aabuso sa SBSI ay ibinulgar ni Sen. Risa Hontiveros sa isang privilege speech sa Senado noong Setyembre 16, 2023. Sinabi ni Hontiveros na ang mga miyembro ng SBSI ay sapilitang pinagtatrabaho at ang mga kinikita ay kinukuha ng lider na si Quilario. Nabatid din na ang mga menor de edad na babae ay sapilitang pinakakasal sa mga lalaking hindi nila kilala. Ayon pa kay Hontiveros, ang napagbentahan ng mga ari-arian ng miyembro ay binibigay kay Quilario at ang susuway ay sinasabihan na hindi makararating sa langit. Marami umano ang nahikayat na magbenta ng ari-arian at namalagi na sa bundok na tinatawag nilang Sitio Kapihan.
Nahalungkat din ang sapilitang pagbibigay ng mga miyembrong senior citizens ng kanilang monthly pension para magkaroon ng pondo. Nabatid na ang mga miyembrong senior citizens ay puwersahang nagdo-donate ng P20 hanggang P1,000 buwan-buwan. Pati ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na tinatanggap ng indigents ay puwersahan ding kinukuha ng SBSI upang magkaroon ng pondo.
Ang nakaaawa ay ang mga bata na ayon sa mga tumakas na miyembro at tumayong witness ay may mga nagkasakit habang nasa bundok at hindi pinapayagan ng mga lider ng SBSI na magpagamot. Mayroon daw inimbentong gamot si Quilario at ito ang pinaiinom sa mga batang may sakit. May mga batang namatay dahil sa sakit at sa bundok na mismo inilibing sa utos ni Quilario.
Pinagkaitan din ang mga bata na makapag-aral nang legal sa eskuwelahan. Nagtayo ng school sina Quilario subalit nabatid na hindi ito rehistrado sa DepEd.
Ngayong naaresto na sina Quilario, ang mabilis na paggulong ng kaso ang inaasahan. Katarungan ang nais ng mga dumanas ng di makataong trato ng grupo ni Quilario. Kailangang maisilbi ang katapat na parusa sa mga taong ito.
Tulungan naman ng DSWD ang mga nahikayat nina Quilario na makabalik na sa kapatagan para makapagsimulang muli. Imulat din sila para hindi na muling makumbinsi ng matatamis na salita ng mga abusado.
- Latest