^

Punto Mo

Kapag namatay paano ililibing?

PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Dalawang klase ng paglilibing ang nagiging popular ngayon.  Una ay ang tradisyunal na libing na ginagamitan ng kabaong na ipapasok sa nitso o ibabaon sa ilalim ng lupa sa sementeryo bagaman merong mga patay na inilalagak sa li­bingan nang walang kabaong. Depende sa mga lugar, relihiyon, paniniwala at iba pa, merong mga patay na inililibing sa kuweba o ibinibitin sa isang mataas na lugar tulad sa kabundukan.

Ang ikalawa ay cremation na ang bangkay ay sinusunog bago ibigay ang abo nitong nasa loob ng isang urna sa naulila ng patay. Merong mga na-cremate na ang labi ay inilalagak sa isang mortuary o sa isang bahay o kaya ay ibinubuhos sa dagat, bukid, kaparangan, bundok, ilog o ibang lugar.

Marami nang debate kung ano ang tama, tradisyunal na libing o cremation? May mga positibo at negatibong aspeto. Bawat panig ay may kanya-kanyang katwiran, paniniwala, paninindigan o kahalagahan. Pumapasok din dito ang usapin ng relihiyon.

Mahirap na desisyon ito kung papipiliin sa mga ito ang isang tao habang nabubuhay siya o kaya ang mga naiwan o nauulila  niya. Tila isa ring nakakakilabot na paksa para pag-usapan sa isang pamilya ang paraan ng paglilibing bilang paghahanda kung sakaling pumanaw ang isa nilang mahal sa buhay.

Sinasabing mas mura ang cremation kumpara sa tradisyunal na libing bagaman itong huli ang lagi at madalas na iniaalok na serbisyo nang maraming punerarya. Wala pang lumilitaw na estadistika kung anong klaseng libing ang nangunguna bagaman dumarami na rin ang mga pumapabor sa cremation. Nagsisikip na rin sa maraming sementeryo sa pagdami ng mga nakalibing dito kaya masasabing isang alternatibo rito ang cremation.

Gayunman, sa pag-unlad at pagsulong ng siyensiya at teknolohiya, meron na ring umuusbong na bagong klase ng paglilibing sa mga patay. Nariyan ang pagpapadala ng labi ng mga patay sa kalawakan. Lubha nga lang itong magastos at mga milyunaryo o bilyunaryo lang ang tila  may kakayahang magbayad para sa ganitong serbisyo.

Hindi naman ang aktuwal na katawan ng bangkay ang “inililibing” sa kalawakan kundi ang abo nito pagkatapos ma-cremate na isasakay sa rocket bago paliliparin pataas sa orbit ng mundo o papunta sa buwan halimbawa o sa ibang planeta o pusod ng kalawakan. Hindi pa gaanong popular sa buong mundo ang ganitong klase ng libing bagaman meron nang gumawa nito sa ilang mga bansa.

Pero meron pang isang klase ng libing na unti-unti na ring lumalaganap bagaman batay sa ulat ay limitado pa lang ito sa ilang lugar tulad sa United States, Sweden at United Kingdom. Ito ang tinatawag na human composting na ang labi ng patay ay ginagawang abono o dumadaan sa isang proseso na ang kanyang katawang naging lupa ay maaaring taniman ng halaman.

Tulad ng sa tradisyunal na libing, cremation at libing sa kalawakan, meron ding sariling mga katwiran, paliwanag, kahalagahan at paniniwala sa human composting. Sinasabing pumapabor sa kalikasan o kapaligiran ang composting dahil wala itong mga kemikal o gas na ginagamit na tulad ng sa tradisyunal na libing at cremation.

Isa rin itong tugon sa problema sa climate change o global warming. Kahit pumanaw ka na, nakakaambag ka sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng mga halaman o punong kahoy na tutubo mula sa iyong katawang naging lupa.

Maaaring hindi pa umaabot sa antas na napagtatalunan ang isyu ng libing sa kalawakan at human composting dahil bihira pa lang ang gumagawa nito pero nagsisilbi na rin silang alternatibo sa tradisyunal na libing at cremation.

-oooooo-

Email: r[email protected]

CREMATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with