EDITORYAL - May makalaboso na kayang agri smugglers?
Ipinasa na ng Kongreso sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas na magpaparusa nang habambuhay na pagkabilanggo sa mga mapapatunayang sangkot sa agricultural smuggling, hoarders at mga nagka-cartel na itinuturing na pananabotahe sa ekonomiya. Mabilis na naipasa ang panukala sapagkat sinertipikahan itong urgent ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. Nakakuha ito ng 289 na boto, walang sumalungat at wala ring abstention.
Ang House Bill No. 9284 (Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act) ay nag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act na ipinasa noong 2016. Sa ilalim ng panukala ang smuggling ng bigas at iba pang produktong agrikultura ay ituturing na “economic sabotage” at papatawan ng habambuhay na pagkakakulong ang mapapatunayang sangkot sa smuggling. Mapaparusahan nang walang katulad ang mga nananabotahe sa ekonomiya.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, tapos na ang maliligayang araw ng agri smugglers, hoarders at mga nagca-cartel. Kapag tuluyan na umano itong ipatutupad, titiyakin na maparurusahan ang mga may sa demonyong gumagawa nito. Ayon kay Romualdez ang agri smugglers ang nagpapahirap sa mamamayan. Sa kasalukuyan, mataas ang presyo ng bigas at maski si President Marcos ay nagtataka kung bakit tumataas ang presyo ng bigas. Nag-isyu si Marcos ng EO na nagtatakda ng P40 hanggang P45 na price ceiling sa bigas.
Ngayong may bago nang batas laban sa agri smugglers at hoarders harinawang maipatupad ito at hindi matulad sa dating Anti-Smuggling Law na walang naparusahan. Matutuwa ang mamamayan kung mayroong mahuhuling agri smugglers at hoarders at mabubulok sa piitan. Kung maipatutupad ang bagong batas, wala nang papasok na smuggled na bigas, asukal, sibuyas, carrots, at iba pang agri products.
Dahil sa smuggling ng mga produktong agrikultura, nawalan ng P30 bilyon ang pamahalaan noong 2022. Ang mga nakinabang ay mga salot na smugglers at mga kasapakat nila sa Bureau of Customs. Napakalaking pera ang nawala na sana ay nagamit sa pagpapaunlad ng bansa at pagpaparami ng ani ganundin, naitulong sa mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, talamak ang smuggling ng bigas at iniimbak sa mga bodega sa maraming lugar sa bansa. Inaasahan na ang mga nasa likod ng mga natutuklasang libu-libong sako ng smuggled na bigas ang unang masasampolan ng Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act.
- Latest