EDITORYAL - Tampalasansa kalikasan
SOBRA na ang ginagawa ng China na pagsira sa yamandagat na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Hindi na katanggap-tanggap ang ginagawa nilang pagtampalasan sa kalikasan. Dapat tawagin silang “kriminal ng kalikasan”.
Nakapanlulumo ang nasaksihan ng mga divers na sumisid sa Rozul Reef noong nakaraang linggo sapagkat nasimot na ang mga ito. At walang ibang gagawa nito kundi ang China. Sila lamang ang maaaring gumawa sapagkat marami silang fishing vessels na nagkalipumpunan sa Rozul Reef. Walang ibang naroon kundi sila kaya sino pa ang gagawa ng katampalasanan.
Ayon kay AFP-Western Command (WestCom) Commander Vice Admiral Alberto Carlos, malawakan ang ginawang pag-harvest sa mga corals sa Rozul reef. Wala umanong patumangga ang ginawang pagkuha sa corals at naiwan ang mga debris. Sinabi pa ni Carlos, na makaraan umanong umalis ang mga Chinese military militia vessels sa lugar, agad siyang nagpadala ng divers doon at natambad na ubos na ang corals.
Bago ang pagkakatuklas sa malawakang pag-harvest sa corals, sinabi ni Carlos na namataan sa Rozul Reef ang maraming Chinese militia vessels. Ang mga vessels ay ginagamit din sa malawakang pangingisda. Nagkakalipumpunan umano ang mga ito na halatang may malalimang kinukuha sa pusod ng dagat.
Walang ibang gagawa ng pagtampalasan sa corals kundi mga Chinese. At posibleng gawin nila uli ito sa mga susunod pang mga araw. Lilimasin nila ang lahat ng yamandagat sa bahaging iyon at wala silang pakialam kung wala nang tirahan ang mga isda.
Kaya asahan pa ang mga gagawing pagharang ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas. Ang pagharang at pag-water canon nila sa Philippine Coast Guard ay paraan nila para walang makaagaw sa yamandagat ng West Philippine Sea. Hindi lamang corals ang nasa pusod ng dagat ng WPS kundi pati na rin ang natural gas. Ito ang target ng China kaya gagawin nila ang lahat para hindi makapasok doon ang mga barko ng Pilipinas.
Nararapat pigilan ang katakawan ng China sapagkat posibleng dumating ang araw na wala nang mahuhuling isda sa karagatan dahil sa ginagawa nilang pagtampalasan at pagsira sa kalikasan. Masisira ang ecosystem. Mawawalan ng pagkukunan ng ikabubuhay ang mga tao. Maghain ng protesta laban sa ginagawa ng China na pagsira sa yamandagat. Makipag-alyansa sa ibang mga bansa upang mapigilan ang ginagawang pagwasak sa likas na yamangdagat.
- Latest