EDITORYAL - Walang pulis sa kalsada
MARAMING nagaganap na krimen ngayon na ang may kagagawan ay riding-in-tandem. Bukod sa pagpatay, trabaho rin ng riding-in-tandem ang panghoholdap, pang-i-snatch, panloloob sa mga convenient store, computer rental, gasolinahan at karinderya. At sa kabila ng mga nangyayaring ito, walang pulis na nagpapatrulya para masaklolohan ang mga biktima. Walang pulis na inaasahang tutulong at magpuproteksiyon sa mamamayan. Hindi totoo ang motto ng PNP: to serve and protect. Kalokohan ito.
Isang halimbawa na walang makitang pulis na nagpapatrulya ay ang Maceda Street sa Sampaloc, Maynila. Laganap ang nakawan, snatching at panghoholdap sa nasabing kalye. Bukod sa Maceda St. laganap din ang krimen sa Simon at Basilio Sts. Karaniwang ang mga nanghoholdap at nanghahablot ng bag at cell phone ay riding-in-tandem. Ang mga binibiktima nila ay mga estudyante at mga empleyado sa call center na umuuwi ng madaling araw. Walang patawad ang mga kawatan sa nasabing kalye at lahat ng mga krimen ay nakukunan ng CCTV.
Malalakas ang loob ng mga kawatan sa mga nasabing kalye at wala na silang kinatatakutan. Malayang nagagawa ng mga ito ang masamang gawain.
At natuklasan na kaya pala sobrang wild at walang takot ang mga magnanakaw sa mga nasabing lugar ay dahil walang pulis na nagpapatrulya. Walang makitang pulis sa kalaliman ng gabi para magprotekta sa mamamayan. Walang nagreresponde sa nirereport na krimen. Zero visibility sa pulis sa Simon-Basilio-Maceda (SIBAMA) Sts.
Nasaan ang mga pulis sa nasabing lugar? Nasa loob ng malamig nilang presinto at natutulog? Abala sa pagti-text at pagkukuwentuhan. O nag-iinuman?
Ayon kay MPD Director BGen Andre Dizon, sinibak na umano niya ang buong puwersa ng SIBAMA police community precinct. Kabilang sa sinibak ang precinct commander na si Maj. Jade dela Torre at 13 tauhan nito. Inilagay daw niya ang mga ito sa District Mobile Force Battalion at sasailalim sa re-training.
Sana itapon sa malayong lugar ang mga pulis ng SIBAMA para maranasan naman nila ang totoong parusa sa ginawa nilang kapabayaan. Kung sa MPD rin sila ilalagay, anong parusa roon? Nilipat lang ng pugad ang mga bugok na itlog. Mas maganda rin kung suspendihin ng isang taon o kaya’y sibakin na. Hindi kailangan sa serbisyo ang mga pulis na nagpapalaki lamang ng “balls” sa presinto.
Isang dahilan kaya masyadong mababa ang pagtingin ng mamamayan sa mga pulis ay dahil sa ginagawa ng mga itong pagpapabaya sa tungkulin. Pinasuweldo na nang malaki subalit walang maibigay na tulong sa mamamayan at ang masaklap pa, nasasangkot pa sa masasamang gawain gaya sa illegal drugs.
- Latest