May sakit ang asawa, puwede bang tanggalin ng kompanya?
Dear Attorney,
Puwede po bang matanggal ang asawa ko sa trabaho dahil sa pagkakasakit niya. Gusto raw kasi siyang tanggalin sa kompanya dahil baka kung ano pa ang mangyari sa kanya at sila pa ang masisi.
Tama po ba ang sinasabi ng company? —Grace
Dear Grace,
Maaring maging dahilan ang pagkakaroon ng sakit upang matanggal sa trabaho ang isang empleyado ngunit kailangang hindi lamang ito basta-bastang sakit.
Sa ilalim ng Article 299 ng Labor Code, upang maging sapat na dahilan ang pagkakasakit para tanggalin ang isang empleyado ay kailangang (1) ang patuloy na pagtatrabaho ng empleyado ay labag sa batas dahil sa taglay niyang sakit; (2) makakasama hindi lamang sa kanya kundi pati na rin sa kalusugan ng mga kasamahan niya ang patuloy niyang pagtatrabaho; (3) may sertipikasyon mula sa mga kinauukulan na ang sakit niya ay hindi magagamot sa loob ng anim na buwan.
Malinaw na bagama’t maaring dahilan ang sakit sa pagkakatanggal sa trabaho ay kailangang tugma ang sakit na taglay ng empleyado sa kung ano ang nakasaad sa Labor Code.
Kaya kung ang sakit ng asawa mo ay hindi naman pasok sa nabanggit at siya ay tinanggal pa rin dahil dito, maaring maharap sa reklamong illegal dismissal ang kanyang employer.
- Latest