Sa Austria, namimigay ng libreng sakay sa kanilang mga residente kapalit ng tattoo!
Nakatanggap ng pambabatikos ang ilang government officials sa Austria matapos silang magkaroon ng pa-promo sa kanilang mga residente kung saan makatatanggap ng isang taon na libreng sakay sa lahat ng land public transportation ang papayag magpa-tattoo!
Bilang bahagi ng promo, naglagay ang Austrian government ng mga tattoo stalls sa naganap na Electric Love Festival sa Salzburg at Frequency Festival sa St. Polten para anyayahan ang mga festival goers na magpa-tattoo ng logo ng “Klimaticket” kapalit ng isang taon na libreng sakay sa lahat ng pampublikong sasakyan sa buong Austria.
Ang Klimaticket ay annual travel pass na maaaring gamitin sa loob ng isang taon sa lahat ng public transportation sa buong Austria tulad ng tram, subway train, bus at railway train. Inilunsad ito ng Austrian government para hikayatin ang kanilang mga residente na gumamit ng pampublikong sasakyan imbis na gamitin ang sariling kotse na nagpapadagdag sa carbon emission na makakapagpalala ng climate change.
Nakatanggap ng kritisismo ang promo na ito dahil sa tingin ng ilan, hindi makatao ang paglalagay ng tattoo advertisement na ang kapalit lamang ay isang taon na libreng pamasahe.
Binatikos din ang pagtatayo ng tattoo stalls sa mga festival kung saan karamihan ng mga taong dumadalo ay nakainom at wala sa tamang wisyo para magdesisyon sa pagpapalagay ng tattoo.
Sa kasalukuyan, anim na katao na ang pumayag magpa-tattoo para sa libreng pamasahe.
- Latest