Lapida
SIKAT na pagawaan ng lapida ang Rest in Peace Tombstone sa Sta. Cruz, Maynila noong 60’s. Si Mandy ang may-ari ng pagawaan. May dalawa lang siyang katulong pero siya pa rin ang gumagawa ng 90 percent na trabaho. Isang araw ay isang mukhang donya ang pumasok sa kanilang shop. Gusto raw niyang umorder ng lapida para sa kanyang pumanaw na mister.
“May ready-made lapida kami na uukitan na lang ng pangalan at ibang pang inscription at maaari naming ideliber bukas. Pero kung magpapasadya ka ng special design at mataas na tombstone, mga apat na araw ang hihintayin bago namin maideliber.”
Isang simple at lapidang yari sa marmol ang napili ng babaeng mukhang donya, na Mrs. Anita Almeda pala ang pangalan. Isinulat ni Mandy ang pangalan ng namatay, birthday at araw ng kamatayan.
“Gusto mo bang lagyan ng epitaph o maikling pangungusap sa ilalim ng lapida?”
“Huwag na. Hindi na mahalaga iyon.” Iniabot ng babae ang bayad na pinag-usapan nila kasama ang address kung saan ito idedeliber.
Pagkaalis ng babae ay agad nang iniutos ni Mandy sa isang assistant ang pag-uukit ng mga detalye sa lapida. Mabuti na lang at hinahanap pa ang tools na gagamitin sa pag-ukit nang may dumating na lalaki. Sa bihis pa lang nito ay mahahalatang siya ay mayaman at kagalang-galang na tao. “Ako si Tony Almeda, bayaw ni Mrs. Almeda at kapatid ng namatay. Nagbago ang isip niya at ng buong pamilya. Oorder na lang ng panibagong lapida. May drowing na iniwan ang namatay kong kapatid. Ito ang hitsura ng lapidang nais niya—Isang 4 feet tall na lapida na yari sa granite ang nais ipagawa. May pirma ng namatay ang drowing. Ang epitaph na napiling ilagay ay—Gone from home but not from our hearts.”
Agad nagbayad si Tony. Malaki ang tombstone kaya napagkasunduan na sa sementeryo na mismo ito idedeliber isang araw bago ang libing. Araw ng delivery. Naroon ang pamilya Almeda sa grave site dahil tsinetsek nila kung ready na ang paglilibingan. Dumating ang trak na kinalalagyan ng tombstone. Nanlaki ang mata ni Mrs. Almeda.
“Hindi ganyan ang inorder ko!”
“Pinalitan ng bayaw mo, si Tony Almeda, ang inorder mo.”
Nagkataong naroon si Tony. “Ako si Tony Almeda, ngayon lang kita nakita!”
Dinukot ni Mandy ang drowing ng namatay, si Alberto Almeda, na may pirma pa nito. “Itong drowing na ito ang pinagbasehan ko ng disenyo. Ibinigay sa akin ito ng lalaking nagpakilalang Tony. Ang lalaki ay kamukha niya (itinuro ang totoong Tony) pero may dimples siya at may malaking nunal sa baba. Pero huwag ho kayong mag-alala, binayaran na ako ng lalaking iyon. Dinala ko na rin ang lapidang ipinagawa mo Mrs. Almeda.”
Isinama si Mandy sa burol ni Alberto Almeda. Baka maituro nito ang taong umorder at nagbayad ng mamahaling tombstone. Sa bungad pa lang ng pintuan ay namutla na si Mandy. May picture kasi ni Alberto sa ibabaw ng kabaong nito. Hindi pa nasiyahan si Mandy. Tiningnan niya ang hitsura ng namatay. Siya nga! Si Alberto mismo ang kanyang nakausap at umorder ng sariling tombstone. Hindi na lang sinabi ni Mandy na may binitawang salita si Tony (na multo pala ni Alberto): Kuripot si Mrs. Almeda at siguradong ang pinakamurang lapida ang bibilhin nito. Hindi na naawa sa namatay, marami naman itong kayamanang iniwan sa kanya. Ipinasuri ni Tony sa eksperto ang pirma ni Alberto sa drowing at napatunayang authentic.
- Latest