Ang misteryosong karpintero
NOONG 1872, naisip ni Jean-Baptiste Lamy, Bishop ng Santa Fe Archdiocese sa New Mexico, USA, na magpatayo ng convent chapel. Tatawagin ang chapel na Our Lady of Light Chapel na pamamahalaan ng mga madre, Sisters of Loretto.
Noon din ay kinuha ang serbisyo ng isang French architect na si Antoine Mouly. Gothic Revival style ginamit ng arkitekto kagaya ng Sainte-Chapelle sa Paris. Ang gagamiting materyales sa church tower, bricks at stained glass window ay inimport pa sa France.
Hagdan na lang sana sa choir loft ang kailangang gawin at masasabi nang tapos ang construction ng chapel ngunit hindi na ito naisakatuparan dahil bigla na lang namatay si Architect Mouly. Lumipas ang maraming araw at binuksan na ang chapel sa publiko. Nakakaraos ang mga madre na gumamit ng temporary na hagdan para umakyat at bumaba sa choir loft tuwing may misa. Ang problema ay madalas sumabit sa hagdan ang laylayan ng mahabang abito ng mga madre. Natatakot silang ito ang maging mitsa ng aksidente.
Maliit lang ang chapel at imposibleng malagyan ito ng pangkaraniwang hagdan. Noong araw kasi, uso ang paggamit ng natatanggal na hagdan para sa choir loft. Isa pa, hindi nila naitanong noong nabubuhay pa si Architect Mouly kung ano ang plano nito sa choir loft.
Naisip ng mga madre na magnobena ng siyam na sunud-sunod na araw kay Saint Joseph. Idadalangin nila na ituro sa kanila kung anong dapat gawin para maging ligtas ang pag-akyat at pagbaba sa choir loft. Karpintero si Saint Joseph kaya dito sila humingi ng tulong.
Isang araw pagkatapos ng nobena, isang hindi kilalang lalaki ang dumating sa kumbento at nagprisintang siya ang gagawa ng hagdan na kailangan nila. Pero may pakiusap siya, bigyan siya ng privacy habang ginagawa ang hagdan. Kailangang sarhan ang simbahan habang may ginagawa siya rito.
Pagkaraan ng tatlong buwan, isang napakagandang 20 feet na spiral stairs ang bumulaga sa mga madre. Basta na lang umalis ang karpintero nang hindi man lang nagpakilala at hindi humingi kahit isang kusing na bayad. Gumamit siya ng non-native wood. Ilang halimbawa ng non-native woods ay bamboo, mahogany at cherry wood. Ang isa pang nakakapagtaka, natapos ang hagdan na wala silang nakitang nagdeliber ng construction materials. Ipinahanap ng Mother Superior ang lalaki ngunit hindi kailanman nakita.
Kung sa standard na paraan, ang spiral na hagdan ay may dalawang poste (beam) na nakatayo sa gitna (center support) , kung saan nakadikit nang paikot ang bawat steps. Ngunit ang spiral stairs sa Loretto Chapel ay walang center support kaya kapag tinatapakan, ito ay parang “spring wire” na yumuyugyog nang bahagya. Hindi ginamitan ng pako ang hagdan, sa halip ay gumamit ng wooden peg or dowels.
Sa mga tao nanggaling ang konklusyon na si Saint Joseph siguro ang lalaking gumawa ng hagdan. Kung sinu-sino na ang iturong lalaking gumawa ng hagdan ngunit walang maipakitang matibay na ebidensiya na siya nga ang “mahiwagang karpintero”.
May mga researcher na nagmamarunong at may itinuturong tao na ito raw ang mahiwagang karpintero. Pero hindi ito pinapansin. Hanggang ngayon, kabilang pa rin ang pangyayari sa Unsolve Mysteries. Ang Loreto Chapel ay hindi na pinagmimisahan dahil isa na ngayon itong museum at ginagamit para sa wedding shooting, madalas, sa tabi ng “Miraculous Stair”.
- Latest





















