Mga taong nahulaan ang sarili nilang kamatayan
Princess Diana
Sabi ni Diana sa kanyang liham sa dati niyang butler sa palasyo ilang buwan bago siya pumanaw: “Papatayin ako habang nakasakay sa kotse. Magmumukha itong aksidente ngunit sa katotohanan ay sinadya ito.” Ang nabanggit na liham ay inilabas lamang ng butler anim na taon pagkaraang mamatay si Diana. Ayon sa pagsusuri, authentic ang liham at sulat kamay talaga ito ng dating prinsesa. Ang butler na tagasilbi ng royal family ay naging malapit na kaibigan ni Diana.
Abraham Lincoln
Minsan, may napanaginipan si U.S. President Abraham Lincoln na nagbigay sa kanya ng alalahanin. Hindi niya maiwasang ikuwento ito sa kanyang kaibigan na si Ward Hill Lamon. Ito ang kanyang napanaginipan:
Naglalakad siya malapit sa White House East Room nang makarinig siya ng iyakan ng mga tao. Sinundan niya kung saan nanggagaling ang iyakan at natukoy niya na nasa East Room ang mga nag-iiyakan. May nakaburol sa East Room kaya nag-iiyakan ang mga tao. Binabantayan ng mga sundalo ang nakaburol. Lumapit si Lincoln sa mga sundalo at nagtanong:
“Sino ang nakaburol?”
“Ang Presidente po. Binaril siya.”
Hindi na niya nakuhang silipin ang bangkay na nasa kabaong dahil bigla siyang nagising.
Ayon kay Ward Hill Lamon, sinabi raw sa kanya ni Lincoln na siya siguro ang tinutukoy na nakaburol sa panaginip. At pangitain iyon na malapit na siyang mamatay.
Totoo nga ang kutob. Sampung araw pagkaraang managinip ni Lincoln, siya ay binaril habang nanonood ng play sa teatro na kanyang ikinamatay.
- Latest