^

Punto Mo

Gaganda ba ang ating buhay ngayong 2023?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

TAYONG mga Pilipino ay hindi madaling mawalan ng pag-asa. Kahit napakahirap ng kasalukuyan, palagi pa rin nating tinatanaw ang bukas na magiging mas maganda kaysa ngayon.  Resulta ito ng ating pananampalataya at mahabang pasensya na pinagmumulan ng ating resiliency, madali tayong makabangon mula sa mga krisis ng buhay.

Noong nakaraang buwan, ang ating inflation rate o laki ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo ay umabot ng 7.6%, mas mababa naman kaysa naitalang 8.6% noong Pebrero. Tinataya ng mga ekonomista na sa buong 2023 ay makararanas tayo ng 6.6% inflation rate. Mataas ang presyo ng pangunahing mga bilihin, lalo na ng pagkain, renta sa bahay, elektrisidad, tubig at gasolina. Lubhang apektado nito ang mga kababayan nating maliit ang kinikita. Kung statistics ang pagsasalitain natin, sinasabi nito na mananatiling mahirap, kundi man lalong maghihirap, ang ating ekonomiya.

Pero iba ang sinasabi ng maraming Pilipino. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS), 48% ng mga Pilipino ang naniniwalang gaganda ang ating ekonomiya; 33% ang nagsabing walang magiging pagbabago; at 9% ang naniniwala na lalo tayong maghihirap. Kaya halos kalahati ng mga Pilipino ay naniniwala na gaganda ang ating buhay sa taong ito. Siyam na porsyento lang ang may negatibong pananaw. Ito’y excellent grade, ayon sa SWS.

Maganda ba ang resulta ng survey?  Oo at hindi.  Oo, kung ito’y magiging hamon sa karaniwang mamamayan na lalo pang pagbutihin ang pagsisikap. Doon sa 48% na may positibong pananaw, kailangang isalin ang pananaw sa pagkilos upang magkaroon ng katuparan ang magandang pangitain. Doon sa 33% na naniniwalang mananatili tayong naghihirap, kailangang sipagan pa para magkaroon ng pagbabago. Doon sa 9% na negatibo ang pananaw, kailangang gumawa ng mga radikal na hakbang para hindi mangyari ang inaasahan. May tinatawag sa psychology na “self-fulfilling prophecy,” kung ano ang ating iniisip, iyon ang mangyayari.

Hindi maganda kung dahil sa survey ay magiging kampante ang mga opisyales ng gobyerno. Dahil kalahati naman ng mga Pilipino ay positibo, kaya okey na, business as usual. Hindi maganda kung dahil sa resulta ng survey ay dati pa rin ang gagawin ng mga ahensya ng gobyerno. Ibig sabihin ay walang radikal na hakbang na isasagawa. Sabi ni Albert Einstein, “Kahibangan ang umasa ng ibang resulta kung dati pa ring pamamaraan ang paulit-ulit na ginagawa.”

Magiging maganda ang epekto ng survey kung lahat tayo, mga opisyales ng gobyerno at karaniwang mamamayan, ay magtutulung-tulong upang maabot natin ang excellence, ang pinakamataas na maaaring maabot ng ating kakayahan.

Napakahalaga ng modeling sa ating pag-unlad bilang isang bansa. Ang mga lider natin sa gobyerno, negosyo, simbahan, organisasyon, at pamilya ang kailangang maging modelo natin sa kasipagan at kadalisayan ng hangarin. Nanghihina tayo kapag nababalitaan natin na ang mga mismong lider natin ay nasasangkot sa katiwalian, imoralidad, o krimen. Lumalakas tayo kapag nasasaksihan natin ang ating mga lider na handang ibuwis maging ang kanilang buhay para sa kapakanan ng bayan.

Ayon kay English poet Alexander Pope, “Ang pag-asa’y bumabalong sa puso ng isang tao.” Nawa’y patuloy na bumalong sa puso ng bawat Pilipino ang pag-asa na hindi magiging dahilan ng pagiging kampante, kundi magtutulak sa pagkilos tungo sa makabuluhang mga pagbabago.

SOCIAL WEATHER STATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with