Bawas abala, bawas gastos pa!
Nagpasya na ang Land Transportation Office (LTO) na hindi na kailangang sumalang sa karagdagang medical examinations ang mga driver’s license holder na ang kanilang lisensiya ay may bisa na lima at sampung taon.
Isang malaking kaginhawaan sa mga motorista ang naging direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade na amyendahan ang LTO Memorandum Circular 2021-2285 o ang Supplemental Implementing Rules and Regulations of Republic Act 10930.
Sa ilalim ng ipinatutupad ngayong memorandum, na bukod sa regular medical examination bilang requirement sa pagkakaroon ng bago o renewal ng driver’s license, obligado pa ring sumalang sa periodic medical exam (PME) ang nabigyan ng 5-taon at 10-taong validity o bisa ng lisensya ng pagmamaneho.
Ang probisyong yan ang ipinababago ngayon ni Tugade.
Ginawa ang ganitong aksyon, matapos na lumabas sa pag-aaral na ang hindi pagsalang sa periodical medical examinations ay hindi naman magsasanhi o dahilan sa pagtaas ng trahedya sa mga lansangan.
Dahil nga sa amyendang ito, kung kaya isang beses na lang ang magiging mandatory medical examination, na gagawin lang tuwing bago makakuha o makapag-renew ng driver’s license.
Malaking tulong talaga ito sa mga kukuha o magre-renew ng kanilang lisensya.
Bawas abala, bawas gastos pa.
- Latest