Wheelchair (155)
LUBHANG kaawa-awa ang kalagayan ng buhay ni Enod. Wala nang iba pang magmamalasakit sa batang ito. Baka mapariwara lamang ang buhay kapag napabarkada. Tiyak na lalaboy si Enod.
“Nasaan ba ang mga magulang mo Enod?’’
“Patay na po sila pareho Kuya Jong. Lumubog po ang bangka na sinasakyan nila. Mula nang maulila ako, si Lolo Ado na ang kumupkop sa akin.
“Nag-aaral ka?”
“Opo. Nasa Grade 4 na ako, Kuya Jong. May honor ako Kuya.’’
“Good.’’
“Sabi po ni Lolo sa akin, mag-aral akong mabuti at magtapos sa pag-aaral. Importante ang may natapos, laging sinasabi sa akin ni Lolo.’’
“Tama si Lolo Ado, Enod. Mahalaga ang may natapos. Hindi nagiging kawawa ang taong nakatapos ng pag-aaral.’’
“Oo nga po Kuya Jong.’’
“Sige, Enod halika. Sa bahay ka na namin titira.”
Hindi makapaniwala si Enod sa narinig.
“Totoo Kuya Jong? Sa bahay n’yo na ako titira?’’
“Oo.’’
“Halika na.’’
Naglakad sila patungo sa sakayan ng dyipni. Nakahawak si Enod sa kamay ni Jong. Habang nakasakay sa dyipni ay nagkukuwentuhan sila.
“Marunong akong maglinis ng bahay Kuya Jong. Marunong din akong maglaba ng damit. Marunong din akong mamalengke.’’
“Aba suwerte ko pala.’’
Nang dumating sila sa bahay ay gulat na gulat si Tito Mon ganundin ang kanyang inay. (Itutuloy)
- Latest