^

Punto Mo

Kailangan bang baguhin ang ­Konstitusyon?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

APRUBADO na ng Kamara ang resolusyon sa paghahalal ng mga delegado para sa isang “hybrid” Constitutional Convention (ConCon) na magpapasok ng mga pagbabago sa 1987 Constitution. Ang halalan ay itinakda sa Oktubre 30, kasabay ng eleksiyon ng barangay at Sangguniang Kabataan. Hybrid ang ConCon, dahil bukod sa mga delegadong ihahalal ng mga tao, 63 delegado ang hihirangin ng House Speaker at Senate President.

Talagang nagkaisa sa pagsayaw ng Cha-cha (Charter change) ang mga Kongresista dahil mula sa 314 dumalo sa sesyon ay anim lamang ang hindi pumabor, samantalang isa ang hindi bumoto, para sa pagpapatibay ng resolusyon. ‘Yon ngang 301 na pumabor ay humiling na isama ang kanilang pangalan bilang mga co-authors ng resolusyon.

Kailangan pa ba na magpatibay ang Senado ng katulad na resolusyon upang matuloy ang ConCon? May nagsasabing hindi na kailangan, may nagsasabi namang kailangan. Isang dating Mahistrado ng Korte Suprema ang nagsabi na hindi malinaw ang itinatadhana ng Konstitusyon tungkol dito, kaya isa sa dapat amyendahan ay ang probisyon para sa constitutional amendments.

Ang 1987 Constitution noong panahon ni President Cory Aquino ang pumalit sa 1973 Constitution na naging saligan ng sinasabing “Constitutional Authoritarianism” ni President Ferdinand Marcos, Sr. sa panahon ng kanyang panunungkulan. Hindi kaya maulit lang ang kasaysayan matapos na mabago ang Konstitusyon?

Pero in fairness naman kay President Marcos, Jr., sinabi niya na hindi niya prioridad ang charter change. Ang totoo, bago tumulak sa Japan, ipinahayag niya na hindi kailangang baguhin ang Konstitusyon para lamang makaakit ng dayuhang pamumuhunan.

Ito ang sinasabi ng mga nagsusulong ng Cha-cha, kailangan diumanong luwagan ang probisyon sa foreign ownership para tayo maging globally competitive. Sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon, ipinagbabawal sa isang dayuhang kompanya o indibidwal na magmay-ari ng higit sa kalahati ng kompanyang itinatag sa Pilipinas. Ang babalangkasin kayang bagong Konstitusyon ay magpapahintulot sa isandaang porsyentong foreign ownership?  Hindi kaya magising tayo isang araw na tayo na ang dayuhan sa sarili nating bansa?

Sa Taiwan at Singapore ay napakasigla ng dayuhang pamumuhunan, gayong napaka-restrictive rin ng economic provisions sa kanilang Konstitusyon, ipinagbabawal din ang majority share ng mga dayuhan sa mga kompanyang itinatag sa kanilang bansa.

Ibig sabihin, walang kinalaman ang Konstitusyon sa masiglang dayuhang pamumuhunan sa dalawang bansang ito. Ang dahilan ay sapagkat napakaganda ng kanilang infrastructures at halos walang katiwalian at red tape sa kanilang gobyerno. Habang talamak ang katiwalian at red tape dito sa atin, walang dayuhang maiingganyang mamuhunan sa Pilipinas. Ang effective governance ang aakit sa kanila at hindi ang pagbabago ng Konstitusyon.

Sino ang makakapigil sa ConCon na baguhin ang ibang probisyon sa Konstitusyon na tulad ng pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang pinuno?  Hindi ito sikreto—may mga panukala na gawing limang taon ang termino ng presidente, bise-presidente, at mga miyembro ng Kamara, na may isang reeleksyon. Samakatuwid, maaaring ma-extend hanggang sampung taon ang termino ng mga kasalukuyang halal na pinuno ng gobyerno.

Tinatayang P15 bilyon ang gagastusin sa pagdaraos ng ConCon. Mas prayoridad kaya ito kaysa harapin ang lumalalang kahirapan sa bansa? Mismong si BBM ang nagsabi na hindi prayoridad ng kanyang administration ang Cha-cha. Bakit kaya ito prioridad ng mga Kongresista? Kayo na ang humusga!

vuukle comment

HYBRID

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with