Text scammers nabulabog?
MASASABING maaga pa para matukoy kung magiging epektibo talaga ang batas na nag-oobliga sa lahat ng indibidwal sa Pilipinas na iparehistro ang kanilang mga SIM card mula nang magkabisa ito noong hulihan ng Disyembre pero milyun-milyong Pilipino ang tumalima rito.
Nabatid sa datos ng Department of Information and Technology na, hanggang noong Enero 30, 2023, umabot na sa 27,349,056 ang bilang ng mga SIM card na nairehistro o 16.9% ng 168,977,773 million subscribers sa buong bansa. Inaasahang tataas pa ito hanggang sa huling taning ng rehistrasyon sa buwan ng Abril ng taong ito. Kailangan nga lang malinawan ang totoong bilang ng mga nagparehistro dahil maraming mga subscriber ang nagmamantini ng isa, dalawa o mahigit pa ritong bilang ng mga SIM card.
Sa dami agad ng mga nagparehistro sa unang buwan, mahihiwatigang maraming Pinoy ang namumulat sa mga krimeng nagaganap sa tulong ng mga prepaid SIM card. Marami na rin kasi ang nabiktima ng mga text scammer at iba pang kriminal na gumagamit ng prepaid sim card para hindi sila mahuli. Nangibabaw ang nakikitang bentaheng magagawa ng naturang batas sa kabila ng reserbasyon dito ng ilang sektor at indibidwal na tumututol, alanganin at nagdududa rito.
Mga ganitong SIM card kasi ang nagagamit ng mga kriminal para makapambiktima ng mga mandurugas, kidnap for ransom gang, scammer, stalker, hired killers, sexual predators, budol budol gang, illegal recruiters, human traffickers, extortionist at iba pa na nagtatago sa likod ng makabagong teknolohiya.
Tila naman nabulabog ang naturang mga kriminal tulad ng mga text scammer. Napaulat nga nitong nagdaang linggo na, ayon kay DICT Secretary Ivan Uy, bumaba ang bilang ng naibebentang mga SIM card sa pamilihan simula nang magkabisa ang mandatoryong SIM card registration law.
“Since nag-announce tayo nito, bumagsak ang bentahan ng SIM Cards dahil dati itong mga scammers, itong mga sindikato, bili nang bili ng SIM card tapos tapon,” sabi ni Uy. “Ngayon alam nilang ‘di na nila magagawa ‘yun so bumagsak ang bentahan ng SIM cards, which we anticipated that will happen.”
Sinabi pa ni Uy na mas kokonti ang mga SIM card na mabebenta pagkatapos ng registration period. “In terms of local population, the sales will be very, very small once this happens.”
Pero, siyempre pa, hindi naman maganda ito sa mga nagtitinda ng SIM card. Kailangan din naman nilang kumita at mabuhay. Maging sa mga bangketa ay merong naglalako ng SIM card. Gayunman, hindi naman maaaring hindi maibebenta ang mga bagong lalabas na mga SIM card. Makakabili pa naman ng mga bagong SIM card kahit pagkatapos ng deadline. Kailangan nga lang itong iparehistro bago ma-activate at magamit.
Sana nga lang ay walang makitang butas sa naturang batas ang mga text scammer at iba pang mga kriminal. Mga butas na makakapagpahina sa batas na ito. Paano kung gumamit ng nakaw na rehistradong SIM card (maaaring ilan ay nagmula sa nanakaw na cell phone) ang mga scammer?
Madadamay sa krimen ang orihinal na may-ari ng SIM card dahil nakarehistro ito sa kanyang pangalan at meron pa siyang litrato rito. Maoobligahan ba siyang patunayan na nawala ang kanyang smartphone na kinalagyan ng SIM card na ginamit sa krimen? Magiging malaking abala ito sa kanya na hindi naman niya gusto.
Marahil naman, merong kasagutan dito ang mga kinauukulang awtoridad. Bata pa naman ang naturang batas. Maaaring hindi siya perpekto pero malaking tulong sa pagsugpo ng mga krimeng ginagamitan ng SIM card.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest