EDITORYAL - Evacuation center, i-priority ng LGUs
MARAMING kalamidad ang tumatama sa Pilipinas. Mahigit 20 bagyo ang nananalasa taun-taon na nag-iiwan nang malaking pinsala. Tinatamaan ng lindol dahil napapaligiran ng “ring of fire”. Ngayon, malawakang baha naman ang nagpapahirap sa maraming lugar dahil sa shear line. Malawakang pag-ulan at pagbaha ang nararanasan sa kabila na wala namang bagyo o sama ng panahon.
Mula nang pumasok ang 2023, maraming lugar na sa bansa ang sinalanta ng ulan dahil sa shear line. Kabilang sa naapektuhan ang Region 2, 3, 4, 4-A, 4-B, 5, 6, 8, 9, 10 at 11 kasama rin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ayon sa report ng Office of the Civil Defense (OCD), umabot na sa 440,000 katao ang apektado ng grabeng pagbaha sa mga nabanggit na rehiyon. Nasa 1,461 pamilya ang nasa evacuation centers. Mahigit 10 naman ang namatay.
Sa ganitong sitwasyon, muli na namang nakita ang kahalagahan nang pagkakaroon nang maayos at matibay na evacuation centers. Nang bumaha sa Naujan at Baco, Oriental Mindoro noong nakaraang linggo, nagsiksikan sa evacuation centers ang mga residente. Kinailangan pang gamitin ang mga publikong eskuwelahan para may pansamantalang matirahan ang mga inilikas na residente.
Ganito rin ang nangyari sa dalawang bayan sa Samar na nagkaroon nang grabeng pagbaha at inilikas ang mga residente. Nagsiksikan din sila sa evacuation centers. Ang ibang hindi na magkasya, sa labas na lamang ng evacuation centers namalagi.
Marami rin ang napinsala ng baha sa apat na bayan sa Negros Occidental at kinailangang ilikas din ang mga tao at dinala sa evacuation centers. Nagsiksikan din sila. Ang nakakatakot ay ang muling pagkalat ng COVID-19 dahil sa pagsisiksikan ng mga tao sa evacuation centers. Maaari silang magkahawahan.
Noong nakaraang Nobyembre 2022, tinalakay ng mga mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaroon nang permanenteng evacuation centers. Marami sa mga mambabatas ang nagpahayag na dapat magkaroon sa bawat bayan nang permanenteng evacuation centers upang mayroong siguradong sisilungan ang mga apektado ng kalamidad. Maging ang mga senador ay nagpahayag na dapat nang magkaroon ng kanya-kanyang evacuation centers ang local government units (LGUs).
Pero nakapagtatakang nawala na ang isyu sa pagtatayo ng evacuation centers. Anong nangyari? Ba’t naglaho na ang panukala. Kung wala na ito sa plano ng mga mambabatas, ang LGUs na ang magpursigi sapagkat ang apektado naman dito ay ang kanilang nasasakupan. Iprayoridad ito ng LGUs. Kailangan ay maayos at permanenteng evacuation center na agad-agad ay mapupuntahan at masisilungan.
- Latest