Kagandahang asal
1. Kapag hindi sinasagot, sapat na ang dalawang sunod na tawag para tumigil kung hindi naman emergency ang sasabihin mo. Maaaring hindi ka sinasagot dahil siya ay natutulog, masama ang pakiramdam o may mahalagang ginagawa na hindi kailangang iwanan.
2. Basta nangutang, kusang magbayad at huwag nang maghintay na singilin ka. O, anumang bagay ang hiniram mo, isauli mo.
3. Kapag inilibre ka sa restaurant at sinabing umorder ka ng gusto mo, huwag magsamantala. Huwag umorder ng mamahaling pagkain. Sikaping maglibre din sa susunod na pagkakataon.
4. Irespeto mo ang opinyon ng iba. Malay mo, ang 6 sa iyo ay 9 pala sa kanya.
5. Hintayin mong matapos ang pagsasalita ng iyong kausap bago ka magsalita kahit pa nasa gitna kayo ng mainitang pagtatalo. Kung ayaw kang pasingitin at siya na lang ang tumatalak, manahimik ka at titigan na lang siya.
6. Kapag nagbiro sa isang tao at napansin mong hindi niya iyon nagustuhan, tumigil ka na at humingi ng paumanhin.
7. Magpasalamat sa mga taong nagbigay sa iyo ng tulong o pabor. Minsan nakakalimutang magpasalamat dahil “at home” ka na sa isang tao.
8. Tuparin mo ang iyong pangako. Huwag mangako kung hindi ka sigurado na matutupad mo iyon.
9. Kapag may nagpakita sa iyo ng photo sa phone, tingnan lang iyon at huwag nang pakialaman pa na i-swipe iyon o i-scroll. Hindi mo alam kung ano ang malalantad sa iyo na magiging dahilan ng pagkapahiya ng kaharap.
10. Kapag may nagtapat sa iyo ng kanyang sikreto, ipangako mo na dadalhin mo ang sikretong iyon hanggang sa iyong kamatayan.
11. Laging dumating sa tamang oras. Minsan, may sitwasyon na sa bawat oras na hindi ka pa dumarating, pera ang nawawala sa mga taong inabala at pinaghintay mo.
12. Huwag magyabang ng yaman sa mga taong hirap sa buhay. Huwag ipagyabang ang iyong cute na beybi sa harap ng mag-asawang alam mong pinoproblema kung bakit hindi sila nagkakaanak.
13. Maging mabait sa mga taong nagbibigay sa iyo ng serbisyo: waiter, cleaner, driver. Ibigay sa kanila ang respetong ibinibigay mo sa iyong manager or CEO.
14. Sa pagpasok sa pintuan, hawakan ito para sa taong kasunod mo na papasok din, lalaki man iyon o babae.
15. Minsan sa social media, may magpo-post lang ng image ng kandilang may sindi para ipahayag na namatayan siya ng kapamilya ngunit walang pangalang nakalagay. Nakakainis yung itatanong muna kung sino ang namatay at ano ang ikinamatay saka magsasabi ng “condolence”. Magpahayag muna ng pakikiramay at saka mag-private message.
- Latest




















