High blood pero walang pambili ng gamot
ANO ang gagawin kung tumataas ang blood pressure pero walang pambili ng gamot? Hindi laging makainom ng maintenance laban sa high blood dahil kapos sa pera. Hindi rin naman mainam na huminto sa pag-inom ng gamot dahil, ayon na rin sa mga health expert, may mga ganitong kaso na inaatake sa puso o na-stroke ang isang pasyente makaraang tumigil sa pag-inom ng gamot.
Ayon sa Mayo Clinic, isang academic medical center sa Amerika, merong mga paraan para makontrol ang high blood pressure kung walang gamot. Maaaring mapababa ang blood pressure at mabawasan ang peligro sa sakit sa puso sa pamamagitan ng mga pagbabago sa pamumuhay. Mahalaga ang papel ng lifestyle sa panggagamot sa high blood pressure.
Iminungkahi ng Mayo Clinic ang pagbabawas ng timbang at ng pagbabantay sa sukat ng baywang. Kapag masyadong mabigat o mataba, maaaring mahirapang huminga habang natutulog na magpapataas sa presyon. Bumababa nang isang millimeter of mercury ang blood pressure sa bawat kilogram (2.2 pounds) na mababawas sa timbang ng katawan.
Ang regular na ehersisyo ay nakakabawas ng blood pressure nang 5 to 8 mm Hg. Ilan sa mga ehersisyong nakakapagpababa ng blood pressure ang paglalakad, jogging, pagbibisikleta, swimming o pagsayaw.
Nakakapagpababa rin ng blood pressure nang hanggang 11 mm Hg ang pagkain ng mga whole grain, prutas, gulay at low-fat dairy products.
Ang kahit maliit na pagbawas ng asin sa kinakain o pagkain ng maaalat ay nagbabawas ng blood pressure nang 5 to 6 mm Hg. Bawasan ang pagkain ng mga processed food na karaniwang maraming sangkap na asin. Bawasan o limitahan ang iniinom na alak. Nababawasan ang epekto ng blood pressure medications sa sobrang pag-inom ng alak.
Nagpapataas din ng blood pressure ang paninigarilyo. Ang paghinto sa sigarilyo ay nakakabawas ng panganib sa sakit sa puso at napapabuti ang pangkalahatang kalusugan na posibleng makapagpahaba ng buhay.
Imonitor sa bahay ang iyong blood pressure at regular na magpatingin sa doktor. Matitiyak dito na nagkakaepekto ang iyong gamot at lifestyle changes. Marami nang mabibilhan ng mga portable na blood pressure monitor nang walang reseta ng duktor. Susi sa pagkontrol sa blood pressure ang pagpapatingin sa manggagamot.
Sikaping makatulog nang maayos at mahimbing sa gabi. Nakakapagdulot ng hypertension ang pagtulog nang mas mababa sa anim na oras gabi-gabi. Magpasuri sa doktor kung may problema sa pagtulog tulad ng insomnia.
Bawasan ang stress. Maaaring makapagdulot ng high blood pressure ang long-term (chronic) emotional stress. Gayunman, sinasabing kailangnan ang marami pang pananaliksik kung paanong nakakabawas ng blood pressure ang mga teknik sa pagbabawas ng stress. Hindi rin masamang tukuyin ang dahilan ng stress na maaaring trabaho, pamilya, pananalapi o sakit at maghanap ng paraan na mabawasan ang stress.
Subukang bawasan ang mga ginagawa, tutukan ang mga prayoridad, tumutok sa mga isyu na makokontrol mo at planuhin ang solusyon, iwasan hangga’t maaari ang mga bagay o tao na nakaka-stress sa iyo, maglaan ng mga oras sa pagrerelaks o mga hobbies, at laging magpasalamat kanino man dahil nakakatulong ito sa pagbawas ng stress.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest