Ika-9 na Utos: Huwag magsisinungaling
ISA sa 10 Utos ng Diyos na madalas malabag sa panahon ngayon ng information technology ay ang ika-9 na utos na nagsasabing, “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.” Sa madaling-salita, huwag magsisinungaling.
Ang hindi pagsisinungaling sa lahat ng sandali ay pundasyon ng integridad na pangunahing sandigan ng pagtitiwala. Lubos ang ating pagtitiwala sa isang taong walang rekord ng pagsisinungaling, samantalang nag-aalinlangan tayo sa isang taong nasangkot kahit minsan lang sa pagsisinungaling.
Walang malaki o maliit na pagsisinungaling. Basta’t nagsinungaling ka, malaki man ito o maliit, sinungaling ka, period. At iyan ay tiyak na sisira sa iyong kredibilidad at wawasak sa pagtitiwala sa iyo ng tao. Kapag kredibilidad ang pag-uusapan, hindi ito maaaring mawala sa isang lingkod-bayan, sapagkat ayon sa ating Konstitusyon, “Public office is a public trust.” Nakasalalay sa tiwala ng publiko ang serbisyo-publiko.
Napakahalagang ang mga taong itinatalaga ni Presidente Marcos sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ay hindi nagsisinungaling at laging nagsasabi ng totoo. Isa na rito ang Press Secretary, sapagkat siya ang namamahala sa pagpapalabas ng mga impormasyon tungkol sa mga aktibidad ng presidente at nag-aayos sa relasyon ng Malakanyang at media. Nakakagulat, kundi man nakakagalit, na ibinalita ni Press Secretary Trixia Cruz-Angeles na tanging kay Presidente Marcos makikipagmiting si US President Biden sa panahon ng pagdalo nila sa pulong ng UN sa New York. Nakakabilib kung totoo ito, sapagkat lumalabas na ganoon kalaki ang pagpapahalaga ni Biden kay Marcos. Pero ano ba ang totoo? Lumabas sa mga balita na si Biden ay nakipagmiting din sa Prime Minister ng UK at Japan, at sa Presidente ng South Korea at France.
Sinadya ba ito ng Press Secretary? O siya’y nabiktima lang ng fake news? Kung sinadya, aba’y hindi na siya dapat magtagal kahit isang minuto sa kanyang puwesto. Kung siya’y nabiktima ng fake news, aba’y sino pa ang hindi maaaring mabiktima ng fake news? Sinadya man o hindi, ang resulta nito’y ang huminang kredibilidad ng Press Secretary, kung hindi man ito tuluyang nawala. Ngayon, kung may sasabihin siya, itatanong na natin, totoo kaya ito o fake news?
Ang nagpapabagsak sa isang lider, sa gobyerno man o pribadong sektor, ay ang mga taong nakapaligid sa kanya na hindi nagsasabi ng katotohanan. O kung nagsasabi man ng katotohanan ay hindi pawang katotohanan at purong katotohanan. Adulterated truth ang tawag dito, hinaluan ng kasinungalingan na tulad ng white lie or half-truth. Ang white lie ay ang pagtatago ng isang bahagi ng katotohanan para maging katanggap-tanggap; samantalang ang half-truth ay ang paggamit sa isang bahagi ng katotohanan para makapanlinlang.
Mas natatanggap pa natin ang isang opisyal ng gobyerno na hindi masyadong matalino, ngunit lagi namang tapat at totoo sa kanyang sinasabi at ginagawa, kaysa sa isang matalino na nanloloko at nagsisinungaling. Sabi ni Albert Einstein, “Siya na hindi maingat sa paghawak ng katotohanan sa maliliit na bagay ay hindi maaaring mapagkatiwalaan sa mahahalagang bagay.”Ang malaking hamon sa ating presidente ay maglagay ng mga opisyales na gagawing panata sa kanilang sarili na hindi-hindi nila lalabagin ang ika-9 na utos, “Huwag kang magsisinungaling.” At siyempre, siya ang dapat maging unang halimbawa!
- Latest