EDITORYAL - Perwisyong brownout sa provinces, imbestigahan
MARAMING probinsiya ang nakararanas ng brownout. Kalbaryo ang kanilang dinaranas sa araw-araw na brownout. Kabilang sa mga probinsiya na nakararanas ng perwisyong brownout ay ang Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Batangas, Quezon Province, Masbate, Camarines Norte, Southern Leyte, Northern Samar, Negros, South Cotabato, Misamis Occidental, Maguindanao, Zamboanga, Zamboanga Sibugay, Davao Oriental, Aurora, Pampanga, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Kalinga, at Isabela.
Pinakamatindi sa mga probinsiyang dumaranas ng brownout ay ang Oriental Mindoro na 12 oras na walang kuryente araw-araw. Grabe ito. Paano uunlad ang probinsiyang ito kung araw-araw ay patay-sindi ang kuryente. Kawawa naman ang mga mamamayan na dahil sa kawalan ng kuryente ay naiiwanan sa pag-unlad.
Dalawang dekada na ang problemang kawalan ng kuryente sa Oriental Mindoro pero walang aksiyon ang mga namumuno. Hinahayaang magdusa ang mga Mindorenyo na mamuhay sa karimlan. Paano natitiis ng mga lider sa Mindoro na ang kanilang mga kababayan ay walang ilaw?
Ang matindi pa, sa kabila na walang kuryente, mataas pa ang binabayarang konsumo. Nakagugulat na mataas ang electricity bill ng consumers kahit walang naihahatid na serbisyo. Hindi na makatao ang nangyayari na napagkakaitan na ng kuryente ay mataas pa ang babayaran. At matindi rin na dahil sa patay-sinding kuryente, maraming nasisirang appliances.
Ang Oriental Mindoro Electric Cooperative (Ormeco) ang nag-iisang power distributor sa probinsiya. Halos araw-araw na inuulan ng batikos ang kooperatiba dahil sa palpak nilang serbisyo. Subalit tila hindi na nakakaramdam ang mga namamahala sa Ormeco sapagkat walang ginagawang aksiyon kung paano mapagbubuti ang serbisyo.
Ayon kay Humphrey Dolor, general manager ng Ormeco, ang isyu ng independent power supply ang dahilan nang madalas na brownout sa probinsiya. Wala na siyang iba pang binanggit na dahilan. Nakapagtataka ang ibinigay niyang rason kung bakit araw-araw ang brownout.
Nararapat nang magkaroon ng imbestigasyon sa dinaranas na problema sa kuryente hindi lamang ang mga taga-Oriental Mindoro kundi pati ang maraming probinsiya. Ipatawag ang Department of Energy, Energy Regulation Commission at ang power distributor. Pagpaliwanagin sila sa dinaranas na brownout. Ngayong mag-uumpisa na ang face-to-face classes kailangan ang maayos na serbisyo ng kuryente.
- Latest