^

Punto Mo

‘Public office is a public trust’

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ITINATADHANA sa Article XI, Section 1 ng 1987 Constitution na “public office is a public trust.” Ibig sabihin, sa lahat ng pagkakataon, ang mga opisyales at empleyado ng gobyerno ay mananagot sa mga mamamayan, paglilingkuran sila nang buong kakayahan, kalinisan, katapatan at kahusayan, laging magmamahal sa bansa at sa katarungan, at iwawaksi ang marangyang pamumuhay.

Akmang-akma ang tawag natin sa mga opisyales at emple­yado ng gobyerno—mga lingkod-bayan.  Sila ang mga taga­pagsilbi at ang mga mamamayan ang kanilang amo. Sa pananalita nga ni yumaong Presidente Noynoy Aquino, ang mga mamamayan ang kanyang “bossing.” Pero sa totoo lang, nararamdaman ba natin na tayo ang “bossing” ng mga lider na ating inihahalal, magmula sa presidente hanggang sa mga konsehal?

Sa panahon ng kampanya, bidang-bida tayo sa mga kandidato kung kaya’t tayo’y sinusuyo at pinahahalagahan. Pero kapag sila’y nanalo na, nararamdaman pa ba natin ang kanilang pagsuyo at pagpapahalaga? Tayo pa ba ang “bossing” o sila na?

Ang public office is a public trust ang alituntuning dapat na gumabay sa paglilingkod at sa buong pamumuhay ng mga opisyales at empleyado sa Lehislatura, Hudikatura at Ehekutibo. Gayunman, gusto kong maging sentro ng usapan natin ngayon ang Ehekutibo. Napakahala-gang ipamuhay ng ating presidente, ng kanyang Gabinete, at lahat ng kanyang itatalaga sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno ang mandato na public office is a public trust. Sa paanong paraan?

Una, dapat laging nasa kanilang kamalayan na sila’y mananagot sa mga mamamayan. Banggitin natin ang mga Cabinet Secretaries, bagamat alam natin na isa sa mahalagang konsiderasyon sa kanilang pagkakapili ay ang pagiging tapat sa presidente. Pero kapag sila’y naitalaga na sa tungkulin, ang katapatan nila’y hindi na dapat lamang sa presidente, kundi higit sa lahat ay sa Republika ng Pilipinas. Kinikilabutan ako kapag may Cabinet Secretary na ang bukambibig ay ito, “I serve at the pleasure of the President.”

Ikalawa, hindi basta-basta ang gagawin nilang pagilingkod. Hindi pwede ang pwede na. Dapat laging naroroon ang apat na K: kakayahan, kalinisan, katapatan at kahusayan.  Ibig sabihin, hindi maaaring pahintulutan ang kahit katiting na singaw ng katiwalian, karumihan, kasamaan at kasinungalingan. Hindi lamang kailangang totoong malinis ang kanilang pamumuhay, kundi dapat sa paningin ng mga tao’y may malinis silang pamumuhay. Hindi sila dapat pagmumulan ng fake news at disinformation.

Ikatlo, lahat ng gagawin nila’y dapat kapahayagan ng pagmamahal sa bansa at sa katarungan.  Itataas nila ang dangal ng bansa sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga katangiang naging tatak ng ating lahi, tulad ng bayanihan, palabra de honor, delikadesa, at amor propio. Hindi sila pasisindak sa mga higanteng bansa na tulad ng U.S. at China. Isusulong nila ang pambansang pagkakaisa na nakaangkla sa katotohanan at katarungan. Pananagutin nila ang nagkasala at pararangalan ang mga karapat-dapat.

Ikaapat, mamumuhay sila nang simple. Hindi sila magsusuot ng mamahaling damit at alahas, iiwasan ang magagarbong handaan at mararangyang pasyalan. Handa silang sumailalim sa lifestyle check at magsumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Public office is a public trust—kapag ito’y isinapuso at isinabuhay ng kasalukuyang administrasyon, ang Pilipinas ay tunay na magiging “perlas ng silangan” at “duyan ng magiting.”

PUBLIC TRUST

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with