Puntod ng internet explorer na matatagpuan sa Korea, nag-viral sa netizens!
ISANG software engineer sa Seoul, South Korea ang gumawa ng puntod para sa web browser na Internet Explorer.
Ang puntod ay ginawa ni Jung Ki-young matapos inanunsiyo ng kompanyang Microsoft na nireretiro na nila ang browser.
Gumastos si Jung ng 430,000 Won (katumbas ng P18,000) para sa puntod na may logo ng Internet Explorer. Meron itong epitaph na nagsasabing: “He was a good tool to download other browsers”.
Itinayo ang puntod sa coffee shop ng kanyang kapatid sa Gyeongju Province. Simula nang inilagay doon ang puntod, marami nang dumayo para bisitahin ito.
Nang tinanong si Jung kung bakit niya ito ginawa, sinagot nito na gusto lamang niya bigyang pugay ang software na may malaking significance sa kanyang buhay. Noong bata pa siya, sa Internet Explorer siya natutong gumamit ng internet.
Ngayong siya’y ganap ng software engineer at web designer, ang browser na ito ang madalas nagiging challenge sa kanya tuwing gumagawa siya ng website dahil maraming oras ang kanyang ginugugol para maging compatible ang mga website niya sa makalumang Internet Explorer.
Naging viral ang mga litrato ng puntod, hindi lamang sa mga Korean netizens, pati na sa buong mundo. Hindi akalain ni Jung na magiging viral sa labas ng South Korea ang ginawa niya at natutuwa siya na maraming natawa sa kanyang ginawang puntod.
- Latest