EDITORYAL - Mga gahaman sa ‘pastillas’
SA wakas, may mga nasibak na rin sa Bureau of Immigration subalit kaunti lang. Kalahati lang ng 37 BI officials na kinasuhan ng Office of Ombudsman ang sinibak noong Huwebes. Ayon sa Departmenf of Justice, 18 BI officials ang sinibak makaraang mapatunayang sangkot sila sa “pastillas scam’’.
Nagkatotoo naman ang sinabi ni President Duterte noong Nobyembre 2020 na sisiguruhin niyang masisibak ang BI officials na nagkamal ng pera sa pamamagitan ng “pastillas scam”. Matatandaan na ipinatawag ni President Duterte sa Malacañang ang 37 BI officials at pinagmumura ang mga ito mula ulo hanggang paa. Hindi pa nasiyahan ang presidente, nagpabilot siya ng mga perang papel na hawig sa pastillas at saka dinistribute sa 37 opisyal sabay sabi ‘‘Kainin n’yo yan! Di ba yan ang gusto n’yo?’’
Noong Miyerkules, kinasuhan na ng katiwalian ng Office of the Ombudsman ang 37 Immigration officials. Kabilang sa kinasuhan si Immigration deputy commissioner Marc Red Marinas. Kinasuhan sila ng paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Subalit noong Huwebes, inihayag ng DOJ na 18 opisyal ng BI ang tinanggal. Nakapagtataka na hindi kasama si Marinas sa mga sinibak.
Ilang taon nang ginagawa ang pastillas scam sa NAIA at nabulgar lamang ito noong 2017 sa pamamagitan ni Sen. Risa Hontiveros. Sa pag-iimbestiga ng Senado, P40 bilyon ang naibubulsa ng mga korap sa Immigration dahil sa visa-upon-arrival (VUA) policy na ipinatutupad sa mga dayuhang pumapasok sa bansa. Sa ‘‘pastillas scam’’, lahat nang Chinese nationals na hindi nag-avail ng VUA system ay magbabayad ng P10,000 sa Immigration para makapasok nang walang aberya sa bansa. Tinawag na “pastillas” ang modus ng mga corrupt na BI officials dahil ang perang ipinangsusuhol sa kanila ay binibilot na hawig sa matamis na “pastillas.
Ang pagkakasibak sa mga corrupt sa Immigration ay magandang hakbang subalit posibleng manganak pa ang mga natitirang ‘‘buwaya’’ sa nasabing tanggapan. Ang mga ito ang nararapat tutukan ng bagong administrasyon ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. Pinangako ni Marcos kamakailan na wawasakin ang korapsiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Wala raw sasantuhin sa mga corrupt. Tingnan natin kung magkakatotoo ito.
- Latest