EDITORYAL - Pharmally officials, malaya nang parang mga ibon!

MALAYA na ang Pharmally officials na sina Linconn Ong at Mohit Dargani. Nakalabas na sila sa Pasay Cty jail makaraang makulong ng pitong buwan. Ipinakulog sila ng Senate Blue Ribbon Committee dahil hindi nakikipag-cooperate sa imbestigasyon. Inaresto si Ong noong Setyembre 2021 samantalang si Mohit at kapatid nitong babae na si Twinkle Dargani ay naaresto sa Davao Airport noong Nobyembre habang pasakay sa eroplano at tangkang tumakas.
Ngayong nakalaya na ang dalawa, malamang na tapos na rin ang isyu sa bilyong pisong nakopo nila sa pamahalaan para magsuplay ng medical supplies. Sayang naman ang pinagpaguran ng Senado na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon para talakayin ang maanomalyang deal. At ganito lang pala ang kalalabasan—lalaya rin ang mga akusado.
Nahalukay ng Senate Blue Ribbon Committee ang maanomalyang transaksiyon na pinasok ng Pharmally sa pamamagitan ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM). Sa imbestigasyon nakopo ng Pharmally ang 26.39 percent ng P42-bilyon na kontrata sa kabila na ang capital nila ay P625,000 lamang.
Sa kabila na bilyones ang kinita sa transaksiyon, hindi nagbabayad ng tamang tax ang mga opisyales ng Pharmally. Ayon sa imbestigasyon ng Senado, ang company president na si Twinkle Dargani ay nagbayad lamang ng P1,000 para sa kanyang income taxes noong 2020. Ang kapatid nito na si Mohit Dargani, corporate secretary ay nagbayad lamang ng P97,241 noong 2020.
Bukod sa hindi pagbabayad ng tamang tax, binunyag din ng Senado ang mga mamamahaling sasakyan ng Pharmally officials na nabili ng mga ito anim na buwan makaraang makakuha nang malaking kontrata sa pamahalaan.
Si Linconn Ong ay may tatlong sasakyan na kinabibilangan ng isang Porsche Carrera 4S na P13.5 milyon ang halaga. Si Mohit ay may 2021 Porsche 911 Turbo S na nagkakahalaga ng P8.5 million samantalang ang kapatid na si Twinkle ay may 2021 model Lamborghini Urus na P25 milyon ang halaga. Ang isa pang Pharmally official na si Rose Nono Lin, ay mayroon namang apat na mamahaling sasakyan.
Ano na ang mangyayari sa mga isyung ito na kinasasangkutan ng Pharmally executives. Kung masisingil sila sa mga pagkakautang sa buwis, malaking tulong para makaahon ang bansa sa pagkabaon sa utang. Dapat gumawa ng hakbang ang BIR para masingil ang mga ito.
- Latest















