^

Punto Mo

Alaala ng maitim na butas ng ilong

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

MAY nabili akong gasera (gas lamp) sa ukay-ukay. Cute ito kaya binili ko. May bumalik sa aking alaala.

Noong bata pa ako, may ilan pa ring matatandang kapitbahay ang natatakot magpakabit ng kuryente. Isa na dito si Lola Miling. Hindi namin siya kaanu-ano pero Lola ang tawag ko sa kanya. Isa siyang biyuda na may isang anak. Marami siyang pera pero wala silang kuryente. Kapag daw may kuryente, malaki ang posibilidad na magkasunog.

May pinauupahang maliit na kuwarto si Lola Miling pero dahil walang kuryente, ito ay nanatiling bakante. Doon kami napilitang tumira isang panahong kailangang-kailangan namin ang masisilungan pero wala kaming sapat na pera para magrenta ng isang mas disenteng bahay.

Mabait si Lola Miling. Minurahan lang niya ang upa sa kuwarto. Una, dahil wala silang kuryente. Pangalawa, naaawa siya sa amin. Gasera na may kerosene ang gamit naming pang-ilaw. Ang gasera ay nagdudulot ng maitim na usok. Noong panahong iyon ay isang pulis ang aking ama sa aming munisipalidad. Kapag ang duty niya ay alas dose ng gabi hanggang umaga, dumarating si Tatay sa police station, na walang kamalay-malay na nangingitim ang butas ng kanyang ilong. Malalaman lang niya ang katawa-tawa niyang hitsura kapag naghahagalpakan na nang tawa ang mga kasamahan niyang pulis. Para raw nangingitim na tambutso ng jeep.

Sa umaga, pagbili ng aking ina ng pandesal sa bakery, biglang may magtatanong sa kanya:

“Ano bagang nangyari d’yan sa butas ng ilong mo?”

Kakapain ni Nanay ang butas gamit ang hintuturo, saka titingnan ang dulo na may dumikit na kulay itim. Ihit sa katatawa ang aking ina matapos ma-realize kung ano ang nangyari sa kanyang butas ng ilong. Magdamag na may ningas ang gasera dahil sa kapatid ko na sanggol pa lang noon.

Nakatagal kami ng isang taon sa isang bahay na walang kuryente. Kapag naiisip ko ang paupahang kuwarto ni Lola Miling, ang naaalaala ko ay ang komedya sa likod ng maiitim na butas ng aming ilong, hindi ang kadiliman ng aming tahanan tuwing sasapit ang gabi.

“The world is a tragedy to those who feel, but a comedy to those who think.” ? Horace Walpole

NOSE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with