Drowing na nabili ng $30 sa yard sale, nagkakahalaga pala ng $10 m!
ISANG drawing na nabili sa isang yard sale sa halagang $30 (katumbas ng Php 1,530) ang natuklasang nagkakahalaga pala ng mahigit $10 million (Php 512 million) matapos matuklasan na obra ito ng German Renaissance artist na si Albrecht Durer!
Noong 2019, habang nasa isang bookstore sa Massachusetts ang art collector na si Clifford Schorer, nakiusap ang may-ari ng bookstore kung maaari ba niyang suriin ang antique drawing na nabili ng isang kaibigan.
Sabi sa kanya ng bookseller, nabili ng kanyang kaibigan ang antique drawing sa isang yard sale sa halagang $30 at naghihinala sila na obra ito ni Durer.
Nang makita ni Schorer ang drawing, laking gulat niya na malaki ang posibilidad na ito ang nawawalang obra ni Durer na may titulong “The Virgin and Child”.
Matagal na panahon ang ginugol ni Shorer para mapatunayan ang authenticity ng drowing. Bumisita siya sa iba’t ibang bansa para ipasuri sa mga eksperto kung totoong obra ito ni Durer. Matapos ang tatlong taon, na-verify ng mga experts sa pamamagitan ng technical age analysis na ito ay orihinal na gawa ni Durer. Ayon sa art collectors, hindi bababa sa $10 million ang halaga nito.
Sa kasalukuyan, ipinahiram sa mga museo ang drawing para idispley muna sa mga exhibit. Minabuti ng may-ari na ipahiram muna ito habang naghihintay ng tamang panahon kung kailan ito ibebenta.
- Latest