‘Kubo’ na, naging ‘bato’ pa
NAGKATOTOO ang hinala ng ilang mga scientist na isang bato lang ang naunang inakalang isang kubo na naaninag at nalitratuhan ng Yutu 2 rover ng China sa layong mahigit 200 kilometro mula sa kinatatayuan nito sa buwan noong huling bahagi ng 2021.
May mga lumikot ang imahinasyon sa naunang ulat hinggil sa hininala noon na kubo na namataan sa buwan na maaaring magpahiwatig na kung totoo iyon ay posibleng may nilikhang nabubuhay at naninirahan doon. Maaari raw space junk lang na naiwan ng American astronauts na naunang nagtungo sa buwan ilang dekada na ang nakakaraan o baka bahay daw ng “alien”.
Pero napaulat nitong nagdaang linggo na natuklasan na ng China ang paliwanag sa naturang misteryosong kubo. Nang lapitan ng lunar rover ang kinaroroonan nito, lumabas sa isang log ng mga aktibidad nito na ang bagay na iyon ay isa lang bato sa isang crater rim ng buwan. Isinaad sa isang post ng Our Space, isang Chinese media channel na kunektado sa China National Space Administration, isang maliit na pormasyon lang iyon ng bato na may kakaibang hugis. Nang tingnan nang malapitan, ang hugis ng bato, tulad ng sa isang kuneho na may hawak na carrot. Tinawag na Jade Rabbit ang bato dahil sa itsura nito.
Sa isang ulat, sinabi ng Space News journalist na si Andrew Jones sa Twitter na “The Moon’s surface is 38 million square kilometres of rocks, so it would have been astronomically exceptional for it to be anything else. “But while small, the jade rabbit rock will also be a monumental disappointment to some.”
Unang nakaenkuwentro ng Yutu 2 ang nasabing bato habang umaandar ito patungo sa Von Karman crater ng buwan noong nakaraang Nobyembre kaugnay ng ika-38 lunar day ng mission nito. Nasa layong 80 meters (262 feet) ang rover na nagpadala ng mga litrato ng naturang bahay sa daigdig na lumikha ng mga teorya sa social media kung ano ito at meron pang mga nagbibiro na maaaring isa itong base ng “alien”. Nabatid na noon lang Disyembre 3, 2021 napansin ng mga researcher ang isang bagay na unang hininalang isang kubo batay sa mga litratong ipinapadala ng rover. Kaya pinakilos ang rover para lapitan iyon at suriin.
Ang Yutu 2 Rover na isang robotic space exploration vehicle na umaandar sa tulong ng kuryenteng nagmumula sa solar panel ay dala ng spacecracft na Chang’e 4 ng China na umalis sa daigdig noong 2018 at nakarating sa buwan noong Enero 2019. Layunin ng misyong ito na suriin ang malayong bahagi o ang tinatawag na “far side” o “dark side” ng buwan. Hindi naman talaga madilim ang bahaging iyon pero hindi kasi ito nakikita mula sa daigdig at ngayon lang ito napuntahan ng isang rover.
Ang China ang pangatlong bansa na nakapagpadala ng rover sa buwan kasunod ng United States at Russia. Naghahanda naman ang U.S. at ibang mga kapanalig nitong bansa sa pagtatayo ng permanenteng base ng mga astronaut at pagbalik ng tao at pagtatayo ng kolonya nito sa buwan. Sinasabing kaakibat sa pagtatayo ng base ang paghahanda at paglulunsad sa mahaba at mapanganib na misyon patungo sa Mars.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest