Lalaking nawalan ng paningin, nakakitang muli matapos masagasaan ng kotse!
ISANG lalaki sa Poland na 20 taon nang namumuhay nang walang paningin ang biglang nakakitang muli matapos siyang masagasaan ng kotse!
Dalawampu’t tatlong taon ang nakararaan, nawala ang paningin ni Janusz Goraj dahil sa matinding atake ng allergy. Simula noon, hindi na makakita ang kanyang kaliwang mata samantalang ang kanan naman ay nakakaaninag lamang ng anino.
Noong 2018, habang tumatawid sa isang kalsada sa Gorzow Wielkopolski, nasagasaan siya ng isang kotse at humampas ang kanyang ulo sa hood. Pagkatapos ay humampas siya sa aspalto at nabalian ng buto sa kanyang baywang.
Agad siyang naisugod sa ospital at inoperahan sa natamong pinsala sa baywang. Ang hindi niya alam, ang aksidente pala ay matatawag na “blessing in disguise”.
Sa dalawang linggong pananatili niya sa ospital, isang umaga ay nagising na lamang siya na nakakakita na muli ang kanyang mga mata.
Walang makapagsabi kung paano bumalik ang paningin ni Goraj. Maraming nagsasabi na maaaring dahil sa pagkabagok ng kanyang ulo ang sanhi pero may hinala ang kanyang doktor na ang mga pinainom sa kanyang mataas na dosage ng anticoagulant medicines pagkatapos niyang operahan ang posibleng dahilan ng pagbalik ng kanyang paningin.
Maraming medical experts ang humingi ng pahintulot mula kay Goraj na pag-aralan ang mala-himalang pagbalik ng kanyang paningin ngunit tinanggihan niya ang mga ito.
Sa kasalukuyan, namumuhay na ng normal si Goraj at nagtatrabaho na siya bilang security guard sa ospital kung saan bumalik ang kanyang paningin.
- Latest