EDITORYAL - Silipin ang quarrying sa Rizal
QUARRYING ang dahilan nang pagbaha sa Guinobatan, Albay dalawang linggo na ang nakararaan nang manalasa ang Bagyong Rolly. Tatlo ang namatay sa nasabing lugar makaraang sagasaan nang malalaking bato at putik ang mga bahay. Ang quarrying sa ilog na nasa paligid ng Mayon Volcano ang itinuturong dahilan nang pagbaha. Nang bumisita si President Duterte sa Guinobatan noong Nobyembre 2, isinumbong ng mga residente ang quarrying sa ilog na ayon sa kanila ay dahilan nang pagbaha. Sabi ng mga residente may mga inanod ding quarrying equipment nang bumaha. Hindi na pinagsikapang iligpit ng mga nagku-quarry kahit parating ang Bagyong Rolly. Iniutos ng Presidente na imbestigahan ang quarrying. Sinuspende ni DENR Sec. Roy Cimatu ang quarrying activities sa Guinobatan.
Ang quarrying din sa Rizal ang nakikitang dahilan nang mabilis na pagbaha sa Marikina noong Huwebes habang nananalasa ang Bagyong Ulysses. Nagmistulang Ondoy 2 ang nangyaring baha sa Marikina sapagkat inabot hanggang ikalawang palapag ang mga bahay. Walang magawa ang mga tao kundi umakyat sa bubong at doon hintayin ang rescuers. Ayon sa mga residente ng Provident Villages, nasorpresa sila sa biglang pagtaas ng tubig. Iglap lamang ay nilamon ang ikalawang palapag ng kanilang mga bahay. Walang ipinagkaiba sa baha noong Ondoy na para silang mga daga na na-trap ng tubig. Mas matindi ang nangyari ngayon sapagkat gabi nangyari ang pagbaha.
Bukod sa Marikina, binaha rin ang Rodriguez, Pasig at bahagi ng Quezon City. Nasa 40,000 kabahayan ang nalubog sa baha sa Marikina. Naiulat ang 13 patay sa lungsod na karamihan ay nalunod. Ayon kay Marikina Mayor Marcelino, hindi nila inaasahan na aapaw ang Marikina River. Umabot sa 22 meters ang taas ng tubig na dati ay 21.5 meters lang.
Nakapagtataka ang biglang pagtaas ng tubig sa Marikina River. Nararapat silipin ng DENR ang umano’y quarrying activities sa Antipolo City, Rodriguez, Baras at Tanay. Umano’y may 22 mineral productions sa Rizal. Maaaring ang quarrying ang dahilan nang soil erosion at siltation ng Marikina River. Inireklamo na ito kay DENR Sec. Roy Cimatu noong 2018 at hindi malaman kung may ginawa siyang aksiyon.
Dapat ding ipag-utos ni Cimatu ang pagpapalalim (dredging) sa Marikina River para makaya ang volume ng tubig galing sa kabundukan ng Rizal. Magkaroon ng kampanya na taniman ng puno ang pampang ng ilog.
- Latest