Kung bumagsak, sumubok muli!
NANG unang pumasok sa negosyo ng paggawa ng sasakyan si Henry Ford ay na-bankrupt ito. Nagtayo muli ito ng panibagong kompanya at nabigong muli. Sa paulit-ulit na pagsubok ay nakabuo siya ng isang automobile noong 1908 na abot kaya ng middle class Americans.
Ang sasakyan ay tinawag na Ford Model T. Oo nga at may automobile na noon pang 1880s ngunit kakaunti lang ito at ubod nang mahal. Ang Model T, ang pinakaunang abot-kayang sasakyan na matibay kahit sa baku-bakong kalsada. Kaya hindi kataka-takang kalahati raw ng American population ay may-ari ng automobile na Ford Model T. Dito nagsimulang yumaman si Ford.
Si Soichiro Honda ay nagsanla ng kanyang mga ari-arian upang may ipuhunan sa kanyang negosyo na gumagawa ng piston ring para ibenta sa Toyota. Pero sa kasamaang palad ay tinanggihan ng Toyota ang kanyang produkto dahil hindi pumasa sa kanilang pamantayan.
Dahil dito, naghirap si Honda. Hindi niya magamit ang kanyang kotse dahil wala siyang pambili ng gasoline. Bunga nito ay pinagtiyagaan niyang gamitin ang kanyang bisikleta.
Ang problema’y naninigas ang kanyang binti kapag malayo ang pinupuntahan. Kaya naisipan niyang lagyan ng motor ang kanyang bisikleta upang hindi na siya mapagod sa pagpedal.
Isang kapitbahay ang nakigaya at nagpagawa kay Honda ng bisikletang may motor. Hanggang sa dumami ang mga nagkagusto ng bisikletang may motor. Dumami ang kliyente ni Honda. Sa bandang huli ay nagtayo na siya ng sariling shop at isinilang ang Honda Motors.
Sabi nga ng isang libro tungkol sa positive thinking: ang krisis ay nagbibigay daan sa oportunidad. Kaya kung gaano ka kadalas bumagsak ay ganoon ka rin dapat kadalas bumangon at tumakbo.
- Latest