Wrong spelling
ISANG araw, pinuntahan ng lalaking principal ang isang titser sa kanyang classroom dahil may importante siyang sasabihin dito. May klase nang oras na iyon kaya upang hindi makaabala ay sumilip lang muna siya sa bintana ng classroom at sinenyasan na lang ang titser na puntahan siya sa kanyang opisina.
Habang sumesenyas ang principal ay nasulyapan niya ang mga nakasulat sa blackboard. Isang word ang nahuli ng kanyang paningin: recieve. Medyo na-turn off ang principal dahil mali ang spelling. English teacher pa naman pero mali-mali ang spelling na isinusulat sa blackboard. Bigla tuloy naitanong niya sa sarili kung saang bulok na unibersidad nagtapos ang titser na iyon.
Nagbalik ang principal sa office. Ilang minuto ang lumipas at dumating na ang titser na tinawag ng prinsipal. Matapos pag-usapan ang mahalagang bagay, sunod na inungkat ng prinsipal ang nasulyapan niyang salitang nakasulat sa blackboard na mali ang spelling.
Napangiti ang titser. “Sir nabasa po ba ninyo ang lahat ng nakasulat sa blackboard?”
“A…hindi. Nakasilip lang kasi ako sa bintana. Bakit?”
“Lahat po ng nakasulat sa blackboard ay mali ang spelling dahil kasalukuyan po akong nagko-conduct ng spelling test nang kayo ay dumating.”
Nakaalis na ang titser ay napapangiti pa rin ang principal. Hinusgahan agad niya ang titser na bobo sa spelling.
Ang tao nga naman, ang bilis manghusga. At nagi-guilty siya sa ugali niyang iyon.
- Latest