EDITORYAL - Maging maingat sa pagtatapon ng used rapid test kits
HINDI lamang mga used face masks ang basta-basta itinatapon ngayon sa kung saan-saan kundi pati na rin used rapid test kits. Hindi na nakapagta-taka kung dumami pa ang mahawahan ng virus dahil sa ginagawang ito ng mga taong iresponsable. Sa halip na ilagay sa isang selyadong lalagyan, sa basurahan na nakabuyanyang inilalagay. Napakadelikado ng ginagawang ito. Habang marami ang nag-iingat para hindi mahawa, marami pa rin ang mga iresponsable o mangmang sa pagtatapon ng mga hazardous waste na gaya ng face masks at test kits.
Ganito ang nangyari noong Martes sa Maynila kung saan nakunan ng CCTV ang isang lalaking namumulot ng basura gamit ang de-padyak na pedicab. Nakakarga sa pedicab ang isang itim na garbage bag. Wala siyang kamalay-malay na nabutas na pala ang bag at habang tumatakbo ang pedicab ay naglalaglagan ang mga used rapid test kits sa kalsada. Napakaraming test kits ang nagkalat. Nangyari ang insidente sa M. Dela Fuente St.
Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno na maingat na pulutin ang mga nagkalat na test kits at nagkaroon ng disinfection sa nasabing lugar. Nilinis agad para hindi makahawa. Agad din namang ipinag-utos ang pag-tract sa posibleng pinanggalingan ng used test kits. Ayon sa mayor maaaring galing ang mga iyon sa clinic, ospital, laboratory o private office. Kung naging maayos umano ang pag-disposed ng used test kits, hindi ito mapapasakamay ng namumulot ng basura. Ayon kay Moreno, kapag napatunayan kung saan galing ang used test kits, maaaring maipasara ang establisimento. Maaaring kasuhan sapagkat hazardous materials ang itinapon. Nakasaad aniya ito sa Republic Act No. 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1999 at RA 9003 or the Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Parusahan ang nagtapon ng used test kits. Kung hindi mapaparusahan magpapatuloy ang pagtatapon ng hazardous wastes at hindi makokontrol ang pagdami ng sakit. Nararapat na maging responsible ang lahat lalo ngayong may pandemya.
- Latest