Ang batang bobo
PROBLEMA ng kanyang mga guro sa isang school sa London si Victor Serebriakoff noong 15-anyos siya. Tanga, bobo, walang utak at kung anu-ano pang pangit na salita ang ikinakabit sa kanyang pagkatao ng mga gurong dapat ay magbigay ng pag-asa sa kanyang puso ngunit ang mga ito pa ang nangungunang nanlalait sa kawawang teenager. Ang mga gurong ito rin ang nagsabing huwag na siyang mag-aral at tumanga na lang habang panahon.
Sa loob ng 17 taon, ganoon nga ang ginawa sa buhay ni Victor, ang tumambay at maging dakilang “bum” sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Ngunit isang araw ay niyaya siya ng isang kaibigan na kumuha ng I.Q. test na ibinibigay ng MENSA, organization ng mga taong may mataas na I.Q. Ang resulta? Ang nakuha niya ay 161, score ng GENIUS. Tinatanggap ng Mensa ang taong may score na 140 pataas. Genius pala siya pero sinayang niya ang kanyang buhay sa mahabang taon dahil pinaniwalaan niya ang sinabi ng kanyang mga guro.
Pagkatapos niyang nalaman na genius pala siya, bigla niyang binago ang kanyang buhay at pinanindigan ang pagiging genius. Nagtayo siya ng negosyong may kinalaman sa timber industry kaya marami siyang naiambag tungkol sa timber technology. Naging aktibo rin siya sa Mensa International at Mensa Foundation for Gifted Children na matatagpuan ang opisina sa England. Bukod dito, marami rin siyang naisulat na puzzle books. May isinulat din siyang libro na may title na Brain.
Ang pinakamalas na mangyayari sa buhay ng isang bata ay magkaroon sila ng gurong masungit at mapanghusga. Biruin mo kung paano sisirain ng mga gurong ito ang buhay ng mga bata kung ang mga salitang maririnig mula sa kanilang bibig ay puro panlalait. Kaya ang isa sa mga solusyon para makamtan ng mga bata ang maayos na edukasyon ay pagkakaroon ng maunawain at mabuting guro. Period.
A good teacher can inspire hope, ignite the imagination, and instill a love of learning. – Brad Henry
- Latest