And the Lord shall renew your strength…
ANG pangalan niya ay Glenn Cunningham taga-Atlanta, Kansas USA. Ang kuwento niya ay magandang gawing inspirasyon ngayong panahon ng pandemic ng mga taong lugmok na lugmok na ang pag-asa sa buhay.
Noong walong taong gulang si Glenn, aksidenteng nasunog ang kanilang classroom. Mabilis ang pagkalat ng sunog kaya’t hindi agad siya nakatakbo. Nasunog ang dalawa niyang binti. Mahirap na raw makalakad si Glenn dahil ang mga daliri niya sa mga paa ay natanggal sa sobrang pagkasunog.
Sa tulong ng kanyang mga magulang, unti-unting gumaling ang mga sugat ni Glenn. Araw-araw ay minamasahe ng kanyang ina ang kanyang mga binti.
Isang umaga, habang ipinapasyal siya sa park, bumaba siya sa wheelchair at pagapang na nilibot ang paligid ng park. Habang gumagapang sa lupa, nagkaroon si Glenn nang matinding determinasyon na makalakad. Pinilit niyang tumayo sa pamamagitan ng pa-ngungunyapit sa bakod.
Simula noon, ginagawa niya iyong exercise araw-araw, ang paulit-ulit na paggapang, pagkatapos ay lalakad nang patayo sa pamamagitan ng pagkapit sa bakod ng park.
Pagkaraan ng dalawang taon ay nakalakad siya. At hindi lang paglalakad ang nakamit niya, naging atleta pa siya ng track and field pagsapit sa high school at kolehiyo.
Tinawag siyang “Kansas Ironman,” dahil naging world-record-holder siya sa track and field mula 1934 hanggang 1937. Naging miyembro siya ng 1932 at 1936 U.S. Olympic teams.
Narito ang paborito niyang verse sa Bibliya na naging paborito niya at nagpaapoy sa kanyang determinasyong makalakad: Isaiah 40:31: “But those who wait on the Lord shall renew their strength; they shall mount up with wings like eagles, they shall run and not be weary, they shall walk and not faint.”
- Latest