Maari bang humarap ang hindi abogado sa NLRC?
Dear Attorney,
Marami po kaming tinanggal sa trabaho ng walang dahilan sa aming pinapasukang kompanya kaya nagpasya po kaming magsampa ng kasong illegal dismissal sa National Labor Relations Commission laban sa aming employer. Nang pumunta po kami sa opisina ng NLRC ay may nag-alok po sa amin ng tulong at nagsabing siya na raw ang bahalang humarap sa labor arbiter at kakatawan sa amin. Nang tanungin namin kung abogado ba siya ay umamin naman siyang hindi ngunit matagal na raw siyang humaharap sa NLRC para sa mga illegal dismissal na kaso at alam na alam na raw niya ang pasikut-sikot doon. Dagdag pa niya na pinapahintulutan naman daw ng batas kahit ang mga hindi abogado na humarap sa NLRC.-- Ted
Dear Ted,
Maghanap na kayo ng abogado na hahawak ng kaso niyo dahil kahit tama ang sinabi ng nakausap n’yo na maaring humarap ang isang hindi abogado sa mga pagdinig ng NLRC, maari lamang ito sa ilalim ng mga sumusunod na mga kondisyon nakasaad sa Article 222 ng ating Labor Code: (1) kung ang haharap ay ang mismong nagrereklamo; (2) kung siya ay kinatawan ng isang lehitimong unyon o ng mga miyembro nito na partido sa kasong isinampa sa NLRC o (3) kung siya ang may-ari o presidente ng kompanya na partido sa nakasampang kaso. Dahil hindi naman pasok ang inilahad mong sitwasyon sa mga kondisyong nabanggit ay hindi kayo maaring katawanin ng isang hindi miyembro ng Philippine Bar at mas mabuti kung kukuha kayo ng tunay na abogadong kakatawan sa inyo para sa kasong isinampa sa NLRC.
- Latest